DAVAO City – Inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong lungsod ang isang negosyante matapos ireklamo sa pagbebenta ng overpriced na bigas, noong Sabado ng hapon.
Ayon kay Major Milgrace Driz, hepe ng CIDG, nadakip ang suspek na kinilalang si Monrico Montilla Abarico, sa ikinasang entrapment operation sa Toril Public Market.
Nakipagtulungan ang CIDG, Department of Agriculture at Department of Trade and Industry-XI sa pag-aresto sa nasabing suspek.
Sinabi ni Driz, nakuha sa posisyon ng suspek ang limang sako ng premium rice o tinatawag na Double-A na ibinibenta sa halagang P48 kada kilo at P2,400 bawat sako gayong may “freeze price order” ang DTI na P45 lamang ang bawat kilo nito.
May limang sakong bigas din ng premium rice na tig-P50 bawat kilo, ang nakuha sa posisyon ng suspek, na P45 lamang ang dapat na market price.
Habang nagbebenta rin ang suspek ng tig-25 kilong bigas ng premium rice sa halagang P1,250 o nasa P50 bawat kilo.
Gumamit ang mga awtoridad ng boodle money at isang totoong pera sa halagang P1,000, sa nasabing entrapment operation. Tinatayang aabot sa P33,750 ang kabuuang halaga ng mga bigas na nakumpiska mula sa suspek.
Nasa kustodiya na ng Toril PNP ang suspek habang inihanda ang kasong paglabag sa sa RA 11469 o “Bayanihan to Heal as One”.
Nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na agad magsumbong kung makakita ng indibidwal na nanabotahe sa krisis na dulot ng coronavirus disease sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga produktong lagpas sa Standard Retail Price (SRP) na itinakda ng DTI. (DONDON DINOY)
189 