MABUHAY MGA MANGGAGAWANG FILIPINO!

Badilla Ngayon

KAHAPON, ipinagdiwang ng mga manggagawa sa buong mundo ang “pandaigdigang araw ng mga manggagawa”.

Nagsimulang ipagdiwang ang araw ng paggawa sa ibang bansa tulad ng Amerika noong 1882.

Napakaraming manggagawa sa Estados Unidos ng Amerika noong Ika-19 na siglo, kumpara sa Pilipinas.

Bagama’t hindi kasindami ng mga manggagawa sa ibang bansa, libu-libo na rin ang mga manggagawang Filipino noong huling bahagi ng Ika-19 na siglo. Kaya, noong Mayo 1, 1903 unang ipinagdiwang ng mga manggagawang Filipino ang araw ng paggawa sa Pilipinas.

Hindi pagsasaya ang ipinakita ng libu-libong manggagawang Filipino na kabilang sa Union Obrera Democratica de Filipinas ang unang pagdiriwang ng araw ng paggawa sa bansa, kundi pagkilos laban sa pamahalaan ng Estados Unidos.

Mula Plaza Moriones sa Tondo, nagmartsa ang mga manggagawa hanggang Malakanyang. Ang kanilang panawagan ay kalayaan ng Pilipinas mula sa pananakop ng Estados Unidos.

Tahasang binatikos din nila ang sistemang kapitalismong idinidikta at itinatanim noon ng pamahalaan ng Estados Unidos sa ating bansa.

Hindi pa kasindami ng mga magsasaka ang bilang ng mga manggagawa sa Pilipinas sapagkat pyudalismo pa ang sistemang namamayani sa bansa noon. Ngunit, kahit na napakaraming magsasaka o magbubukid noon, hindi maipagkakailang mayroon nang mga manggagawa.

Hindi rin maipagkakailang mayroon nang pananamantalang ginagawa ang mga kapitalista at dayuhang mananakop sa mga manggagawa.

Mula noon, dahan-dahang dumami ang bilang ng mga manggagawa, sapagkat unti-unting nagtayo ang mga taong mayroong pera ng kung anu-anong negosyong pagkakakitaan upang umangat ang kanilang buhay mula sa nakararami.

Dahil dito, unti-unti ring nabawasan ang bilang ng mga magsasaka, sapagkat pinili nilang maging manggagawa.

Nakumbinsi at napaniwala sila ng mga kapitalista na higit na gaganda ang kanilang buhay kung sila ay magtatrabaho sa mga pabrika, pagawaan ng kung anu-anong produktong naimbentong pagkakitaan ng mga negosyante at tindahan ng mga negosyante.

Ngunit, mayroon pa ring naiwan sa mga bukid, dahil naitanim sa isipan ng mga nagpaiwan at nanatiling magsasaka na hindi nila kailangang iwanan ang bukid o sakahan upang gumanda ang buhay.

Mayroon namang nanatili sa pagsasaka, ngunit naging manggagawa sa bukid dahil nawalan nang sinasakang lupa.

Sa pagsulong at pag-angat ng ekonomiya ng bansa, nagkaiba-iba na ang pinagtatrabahuan ng mga manggagawa sa mga lungsod.

Ngunit, hindi maipagkakailang napakaraming naiwang mga manggagawang-bukid sa napakalalawak na asyenda ng mga panginoong-maylupa mula Luzon hanggang Mindanao.

Ang milyun-milyong  manggagawa naman na naobligang mabuhay at makipagsapalaran sa kalunsuran ay pinagtulungan ng pamahalaan at ng mga kapitalista na ilagay sila sa dalawang kategorya – “formal” at “informal sectors.”

Ang mga nakapaloob sa formal sector ay ang mga manggagawang mayroong kontrata sa mga kumpanya bilang regular o kontraktuwal na mga manggagawa kaya mayroon silang sinasahod tuwing kinsenas at katapusan ng buwan. Minimum ang sahod ng mga manggagawang mayroong trabaho.

Ang minimum na ito ay nakabatay sa antas ng ekonomiya bawat rehiyon o ambag sa gross domestic product (GDP) ng bawat rehiyon sa GDP ng buong bansa.

Syempre, pinakamataas sa Metro Manila, sapagkat napakataas ng inaambag nito sa GDP ng bansa.

Ngunit, pawang mga regular lamang nakatatanggap ng minimum na sahod na itinakda ng mga Regional Wages and Productivity Board (RWPB) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ang mga kontraktuwal ay wala sa minimum ang suweldo.

Ang mga manggagawa sa informal sector naman ay iyong mga naghahanap ng mapagkakakitaan araw-araw.

Iyong mga manggagawa na araw-araw ay dumidiskarte upang mayroong pambili ng pagkain na puwedeng magkasya sa pinagsamang agahan at tanghalian at para sa hapunan.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot na sa 61.71 milyong ang mga manggagawa sa Pilipinas.

Sabi ni Atty. Jose Sonny Matula, pangulo ng Federation of Free Workers (FFW) at tagapangulo ng NAGKAISA! Labor Coalition, ipinagdiwang pa rin ng mga manggagawa ang araw ng paggawa kahapon kahit mayroong “lockdown” sa napakaraming lungsod at bayan sa bansa.

Sa pamamagitan ng online, isinigaw at iginiit pa rin ng mga manggagawa ang kanilang mga karaingan tulad ng pagtaas ng sahod, pagtigil sa kontraktuwalisasyon, P10,000 ayuda kada buwan sa loob ng dalawang ngayong mayroong lockdown at marami pang iba, tugon ni Matula.

Tulad noong Mayo 1, 1903, hindi nagsaya ang mga manggagawa sa pagdiriwang ng kanilang napakahalagang araw kahapon, kundi nanawagan sila sa pamahalaan na umaksiyon ito sa mga kahilingan at karaingan ng mga manggagawa.

Sa aking pakikiisa, ang masasabi ko ay “Mabuhay ang mga Manggagawang Filipino!” NELSON BADILLA

 

 

283

Related posts

Leave a Comment