MGA EMPLEYADO NG ABS-CBN, BIKTIMA

PRO HAC VICE

MAITUTURING na biktima ang mga manggagawa ng Kapamilya Network sa pagkawala ng trabaho ng mga ito at kung tutuusin ay walang ibang dapat sisihin sa pagkapaso ng prangkisa ng nasabing kumpanya kung hindi mismong ABS-CBN at mga may-ari nito na pamilya Lopez.

Paulit-ulit na nga nating nababasa sa diyaryo at internet at naririnig sa mga radyo at telebisyon ang mga balita na sa panahon pa ng kanilang kakampi na si dating Pangulong Noynoy Aquino ay alam na nilang kailangang isalang sa kongreso ang prangkisa upang ma-renew subalit mistulang nagkampante ang mga ito nang maisalang ang petisyon sa Kongreso noong panahon ni Aquino at pinabayaan na lang kung ano ang kahihinatnan sa pag-aakalang marami ang kikilos para sa kanila dahil kinakatakutang network sila.

Dahil sa kapabayaan, nabokya ang ABS-CBN at napaso ang kanilang prangkisa na napakalayo sa kanilang hinagap.

Kung pagbabasehan ang nakasaad sa Saligang Batas, hindi na pwedeng i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN dahil paso na nga ito noong Mayo 4, 2020 sapagkat kapag ginawa ng Kongreso na pagbigyan ang ABS-CBN ay paglabag na ito sa batas.

Ang namatay na prangkisa at hindi na pwedeng buhayin kahit pa sinong Poncio Pilato ang may-ari nito.

Unang paglabag ng ABS-CBN sa pagkakaroon ng prangkisa ay ang nakasaad sa Saligang Batas o 1987 Constitution na dapat ay isang daang porsyentong (100%) Filipino ang mga nagmamay-ari at nagpapatakbo ng mga mass media sa ating bansa.

Si Gabby Lopez ay isang amerikano nang magsimula itong manungkulan sa ABS-CBN noong 1986 hanggang noong 1996 nang maupo na ito bilang chairman ng ABS-CBN at hanggang ngayon ay hindi pa nito binibitiwan ang kanyang pagiging banyaga.

Bukod pa rito, mayroon ding labor case na kinakaharap ang ABS-CBN na hanggang ngayon ay nakabinbin pa sa Korte Suprema kung saan ang nagsampa ng kaso ang mahigit isang daang cameramen ng nasabing giant network dahil ilegal na tinanggal sa trabaho.

Ayon sa mga tinanggal na cameramen, pinakain pa sila ng mga Lopez sa mga pangunahing hotel sa Metro Manila bago sila sinabihan na tapos na ang kanilang serbisyo sa kumpanya. O di ba napakalupit ng may-ari ng ABS-CBN?

Kaya hindi nakapagtataka na maulit ang mga naunang pangyayari.

Samantala Inihain na sa Korte Suprema ng National Telecommunications Commission o NTC ang kanilang komento bilang pagtalima na rin sa naging kautusan ng Supreme Court na magpaliwanag sila kaugnay ng inihaing petition for certiorari and prohibition ng ABS-CBN na humihirit ng temporary restraining order (TRO) para ipatigil ang cease and desist order (CDO) ng NTC.

Sa 157-pahinang komento ng NTC sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General, hiniling ng NTC na ibasura na ng SC ang hirit na status quo ante order o TRO ng ABS-CBN dahil sa kawalan ng sapat na merito.

Iginiit ng NTC na hindi sila nagmalabis sa kanilang kapangyarihan nang mag-isyu ito ng CDO noong Mayo a-singko na nagpatigil sa operasyon ng ABS-CBN.

Naniniwala ang NTC na ‘valid’ ang naturang CDO at saklaw din ito ng kapangyarihan ng komisyon na ipatigil ang operasyon ng isang network na walang pinanghahawakang prangkisa mula sa kongreso.

Sinabi pa ng NTC na hindi rin pagsagka sa kalayaan sa pamamahayag ang kanilang CDO at hindi rin nito pinagkakaitan ng karapatan sa tamang impormasyon ang publiko.

Naniniwala ang NTC na maaari lamang gamitin ang Rule 65 ng Rules of Court kung walang apela o kaukulang remedyong legal. Ayon pa sa NTC, nilabag ng ABS-CBN ang doktrina ng hierarchy of courts.

Hindi rin naniniwala ang NTC na nagkakaroon ng tinatawag na ‘irreparable damage’ sa Kapamilya Network ang kanilang inisyung (CDO).

274

Related posts

Leave a Comment