MGA DRIVER SA BINANGONAN, GINAWANG ‘RUNNER’

RIZAL – Nakaisip ng paraan ang pamahalaang bayan ng Binangonan upang hindi ito tuluyang malugmok sa gitna ng patuloy na umiiral na general community quarantine.

Sa isang pagpupulong ng mga lokal na opisyal ng kanilang bayan, napagkasunduan nina Mayor Cesar Ynares at mga bumubuo ng Sangguniang Bayan na gawing mga “kaagapay” ang mga sektor na lubhang naapektuhan ng tigil negosyo bunsod ng umiiral na GCQ sa buong lalawigan.

Kabilang sa kanilang sinaklolohan ang mga drayber ng tricycle at mga habal-habal. Batay sa patakarang inilabas ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, ipinagbabawal ang pagsasakay ng angkas para sa mga nagmamaneho ng motorsiklo samantalang isang pasahero lamang ang maaring isakay sa mga tricycle.

Upang maibsan ang dagok sa kanilang kabuhayan, itinalaga ni Ynares ang may 1,000 habal-habal at tricycle drivers bilang mga “runner” ng bayan. Gamit ang isang online app, magiging tagabili ng mga pangunahing pangangailangan (pagkain, gamot, dokumento at iba pang suplay mula sa mga negosyong una nang pinayagang magbukas) ng mga residente ng Binangonan ang mga habal-habal at tricycle drivers.

“Sa ganung paraan, epektibo pa din natin maipatutupad ang pananatili sa bahay ng mga residente at nabibigyan pa natin ng hanapbuhay ang mga sektor na hanggang sa ngayon ay hindi pa din ganap na makakabalik sa kanilang hanapbuhay,” saad pa ni Ynares.

Nauna rito, nakipagkasundo rin ang lokal na pamahalaan sa mga namamalakaya para sa isang “partnership” kung saan ang lahat ng mahuhuling isda ng mga mangingisda ay babayaran ng nasabing LGU. Ang mga nabiling isda naman ay ginagawang tuyo na siya namang bahagi na ng mga relief packs na patuloy nilang ipinamamahagi sa mga barangay ng lokalidad. FERNAN ANGELES

154

Related posts

Leave a Comment