NANANATILING isa sa mga pangunahing pagsubok na kinahaharap ng ating bansa ngayon ang pandemyang COVID-19. Ayon sa pinakahuling anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte, mananatili sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) ang NCR sa kabila ng patuloy na pagtaas ng bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Hangga’t walang bakuna ay tunay na mahirap labanan ang nasabing virus. Kung marami ang hindi susunod sa mga panuntunan ng ipinatutupad sa community quarantine gaya ng pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay at pagsasaugali ng social distancing, patuloy na dadami ang magkakaroon ng virus sa ating bansa.
Bunsod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng may COVID sa bansa ay mas lalong nagiging mahirap para sa mga ne gosyo ang pagbangon ngayong panahon ng pandemya. Maraming mga negosyo at industriya ang napabalitang nagbawas na ng mga tauhan. Ang iba naman ay tuluyan nang nagsara. Ito ay nagresulta sa milyun-milyong Pilipino na nawalan ng hanapbuhay.
Sa kabila ng mga balitang ito ay nananalig pa rin tayo na pasasaan ba’t makikita rin natin ang liwanag sa dulo ng lagusang ating tinatahak. Patuloy pa rin ang pamimigay ng tulong upang kahit paano ay maginhawaan ang mga konsyumer.
Isang napakagandang balita ang hatid ng Meralco noong nakaraang linggo. Inanunsyo kasi nito ang muling pagbaba ng presyo ng kuryente sa ikatlong sunod na buwan. Sa katunayan, nagawang posible ng Meralco na muling maipababa ang presyo ng generation charge sa ika-apat na sunod na buwan.
Ipinamahagi ng Meralco ang magandang balita ukol sa pagbaba ng presyo ng singil sa kuryente ngayong buwan ng Hulyo. Para sa isang karaniwang bahay, ang pagbaba ng presyo ng kuryente ay nasa P0.0286 kada kilowatthour (kWh). Bunsod nito, mula sa P8.7252 kada kWh noong Hunyo, ang kabuuang singil sa kuryente ay nasa P8.6966 kada kWh na lamang. Ito ay katumbas ng P6 na bawas sa singil sa kuryente para sa mga kabahayan na may karaniwang konsumo na nasa 200 kWh.
Bunsod ng apat na sunud-sunod na buwan ng pagbaba ng presyo ng generation charge, umabot na sa higit sa piso ang naging kabuuang bawas dito mula noong simula ng taon. Kung ikukumpara ang presyo ng kuryente noong Hulyo 2019 sa presyo ng kuryente ngayong buwan, hindi hamak na mas mababa ang kasalukuyang presyo dahil ang presyo ng kuryente noong nakaraang taon ay nasa P9.9850 kada kWh. Ang presyo ng kuryente ngayong Hulyo 2020 ay ang pinakamababang presyo mula noong Setyembre 2017.
Sa gitna ng pandemya at sa hirap ng buhay ngayon, maituturing talagang isang magandang balita at tila simbolo ng pag-asa ang anumang bagay na makagagaan sa pinansyal na problema ng karamihan. Bukod sa mas mababang singil sa kuryente ngayong buwan ay nananatiling suspendido ang operasyon ng Meralco sa pagpuputol ng serbisyo ng kuryente ng mga customer na hindi nakababayad ng kanilang bill. Ito ay tatagal hanggang katapusan ng Setyembre 2020. Nawa’y makatulong ng husto sa mga konsyumer ang magandang balitang ito na dala ng Meralco para sa buwan ng Hulyo.
228