BIBIGYAN ko muna ng puwang ang isang liham o e-mail na aking natanggap mula kay Marlon Arguelles na isang dating OFW mula sa Jubail, Saudi Arabia. Nauna na silang lumapit sa Philippine Embassy sa Riyadh nuong Nobyembre 6, 2019 dahil sa reklamong hindi pagbabayad ng kumpanya ng kanilang sweldo at hindi pagre-renew ng kanilang Iqama o residence visa.
“Magandang buhay po. Ako po si MARLON ARGUELLES, isa po sa kumakatawan sa 292 na pinoy worker na pinauwi at pinangakuan na ibibigay ang natitirang huling sahod at benepisyo ng kumpanyang SUNGCHANG AL SHAIKH ENGINEERING AND CONSTRUCTION na pinamumunuan ng koreanong lokal. Ang SUNGCHANG po ay nagsabi na pagkauwi namin after 2 months ay makukuha na namin ang aming huling sahod ngunit pang-pitong buwan na po namin dito, wala pa rin po kaming natatanggap.
Kami pong lahat ay nakauwi ng buwan ng Nobyembre noong nakaraang taon at labis na umaasa sa pagaakalang maiibibigay nila ang aming balanseng sahod. Dumulog na rin po kami sa himpilan ni sir Engr. Frank Naval at nirekomenda nya po ang inyong tanggapan.
Nais ko po sanang pumunta sa inyong opisina ng makausap kayo at maayos po ang mga dapat na hakbang sa tulong nyo po,o di kaya samahan nyo ako sa opisina ni Administrator Hans Cacdac para po sa agarang pagpapatupad.
Desperado na po ang karamihan sa amin lalo na po na inabot po ng pandemya at wala pa pong tulong ng gobyerno. Nais ko din pong ipaalam na ang SUNGCHANG COMPANY ay meron pong proyekto dito po sa Batangas baka po puwede pong kastiguhin para sa balanse.
Sana po magkaroon ng kasagutan ang mensaheng ito at nawa’y makuha na po namin ang aming matagal ng minimithi.
Nakalakip po rito ang ilang dokumento ko po na nagpapatunay sa aming agreement at mga picture during strike and camp standby. Maraming Salamat po.
Ang hinaing ng grupo ni Marlon Arguelles ay agad kong ipinarating kay Administrator Bernard Olalia ng Phillippine Overseas Employment Administration (POEA) upang hilingin na maisakatuparan ang ipinangako na pagbabayad ng kulang na sahod ng SUNGCHANG COMPANY. Dapat lang na kastiguhin ng POEA ang kumpanyang ito dahil sa hindi pagtupad sa kanilang pangako sa mga manggagawang Pinoy sa kanilang kumpanya.
Umaabot sa halos 292 ang OFW na apektado sa kumpanyang ito na hindi pa binabayaran ng kumpanya. Kung susumahin ang halaga na dapat pagbayaran ay aabot sa 416,416 Saudi Riyal o katumbas na 55 milyong piso.
Hindi biro ang dami ng mga mga OFW na naapektuhan sa kumpanyang ito. Hindi maaring ikatwiran ng kumpanya na sila ay apektado ng Covid-19 pandemic dahil Nobyembre pa lamang ay hindi na sila nakakatangap ng kanilang kaukulang sahod.
Patuloy akong makikipag-ugnayan sa POEA at sa DOLE upang kastiguhin ang kumpnayang ito upang maibigay sa kanila ang karampatang sahod na dapat nilang matanggap.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail addres drchieumandap@yahoo.com
