NAGBITIW sa puwesto ang legal officer ng anti-fraud division ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) bunga ng “malaganap na korapsyon” at iba pang “maling kalakaran” na umiiral sa ahensiyang itinatag para sa mahihirap na Filipino.
Sa kanyang resignation letter na ipinasa sa pangulo at chief executive officer ng PhilHealth na si Ricardo Morales nitong Hulyo 23, idiniin ni Atty. Thorsson Montes Keith na “I believe there is widespread corruption in PhilHealth.
“Nadiskubre ni Keith ang korapsyon sa PhilHealth nang simulan niyang imbestigahan ang ahensiya. Bukod sa malaganap na korapsyon, ang iba pang dahilan sa pagbibitiw ni Keith ay ang “mandatory payment of PhilHealth contribution by Overseas Filipino Workers.”
Aniya, labag sa Konstitusyon o wala sa Universal Health Care Law na magbayad ang mga OFW ng PhilHealth premium.
“It is against my personal values to let OFWs pay for the spillages of PhilHealth,” birada ni Keith.
Inobligang magbayad ang mga OFW ng PhilHealth premium nang isama at ilagay ng mga opisyal ng Department of Health (DOH) at PhilHealth sa pangunguna ni Secretary Francisco Duque III sa implementing rules and regulations (IRR) ng UHC Law ang nasabing papel at obligasyon ng mga Filipino na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Malakas ang pagtutol dito ng mga OFW at ng iba’t ibang organisasyon ng mga manggagawa tulad ng Advocates and Keepers Organization of OFW (AKO OFW Inc.) at NAGKAISA Labor Coalition kaya ipinatigil ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ngunit, idiniin ni Morales ilang linggo na ang nakalipas na tuloy ang patakarang magbabayad ng PhilHealth premium ang mga OFW dahil hindi naman nabago ang IRR. Ayon kay Keith, marami pang dahilan sa kanyang pagbibitiw ngunit hindi na niya ito inisa-isa sakanyang liham. Bukod kay Keith, nakarating din sa Saksi Ngayon na si Bai Laborte, “head executive assistant” ni Morales ay nagbitiw sa pwesto. Bukod kina Keith at Laborte, aalis din umano sa PhilHealth ang isa pang opisyal na natukoy lamang sa pangalang “Labe.” ( NELSON S. BADILLA)
