7-M DROP OUT STUDENTS AGAPAN

PINAAAGAPAN ng mga mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso ang may 7 milyong estudyante na inaasahang hindi makapag-aaral ngayong School Year (SY) 2020-2021.

Sa magkakahiwalay na pahayag, labis na nabahala sina Kabataan party-list Rep. Sarah Elago at BH party-list Rep. Bernadeth Herrera sa mga report na umaabot sa 7 milyon ang hindi nakapag-enroll ngayong papasok na school year.

“Nakakabahala ito dahil mga mahihirap na kabataan ang ito na mapagkakaitan ng edukasyon,” ani Elago kaya hiniling nito na dagdagan ang emergency funds para sa sektor ng edukasyon sa ilalim ng Bayanihan 2.

Base sa nasabing panukala na pinagtibay na sa ikalawang pagbasa sa Kamara, halos P5 bilyon lamang ang ibinigay sa sektor ng edukasyon, kasama na ang mga primary, secondary at tertiary level
at mga ayuda sa mga guro.

“Hindi ito nakasasapat para isalba ang mga kabataang magdo-drop out,” ayon pa sa mambabatas at mayroon pa aniyang panahon ang Kongreso na dagdagan ang pondo ng sektor ng edukasyon
dahil nakatakdang pagtibayin pa lamang sa ikatlo at huling pagbasa ang Bayanihan 2.

Base sa mga report, umaabot lamang sa 20.7 million ang nag-enroll hanggang noong Hulyo 16, 2020 kaya kapos ito sa 7 milyon dahil umaabot sa 27.7 milyon ang estudyante sa bansa.

“This number is almost double the 3.6 million OSCY in 2017, the last year for which data are available,” ayon naman kay Herrera base aniya sa datos ng Philippine Statistics Authority.

Ayon sa mambabatas, hindi dapat sukuan ng Department of Education (DepEd) ang 7 milyong kabataang ito dahil may dalawang linggo pa umano para gawan ng paraan ang problemang ito at
hingin ang tulong ng Local Government Unit (LGUs).

Sa Agosto 24 na ang pagbubukas ng klase sa buong bansa kung saan idadaan sa hybrid system ang pagtuturo sa mga kabataan dahil sa kinakaharap na problema sa COVID-19 pandemic.

“The LGUs play an important role in getting students enrolled. I encourage the LGUs, particularly barangays, to put up tarpaulins about the enrollment and if possible, to go house-to-house to
distribute the enrollment forms,” aniya.

Bagama’t nauunawaan umano ng mambabatas na kasama ang sektor ng edukasyon sa naapektuhan ng pandemya, kailangang hindi tumigil ang mga kabataan sa pag-aaral dahil ito lang
ang kanilang pag-asa. (BERNARD TAGUINOD)

142

Related posts

Leave a Comment