HINDI pa malaman ng gobyerno kung saan kukunin ang panibagong ayuda para sa mga mamamayan na hindi na naman maaring magtrabaho.
Ito’y matapos na muling isailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang buon NCR at mga karatig lalawigan.
Para kay Sec. Roque, ito ang pinakakontrobersyal o problemang kinakaharap ngayon ng gobyerno sa desisyong ito makaraang pagbigyan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang hiling ng ilan medical frontliners.
Sinabi ni Sec. Roque na pabor aniya siya sa mungkahing ECQ ang solusyon sa pagkalat ng COVID-19, subalit kung wala naman aniyang ayuda, mamamatay naman sa gutom ang mamamayan.
Binigyang diin ni Sec. Roque na napakahirap ng nasabing desisyon dahil kailangang balansehin ng gobyerno ang ekonomiya at kaligtasan ng bawat mamamayan ng bansa. Kaugnay nito, hanggang modified enhanced community quarantine (MECQ) na lamang ang kayang ipatupad ng gobyerno sa National Capital Region (NCR) at mga karatig -lalawigan nito.
Sinabi ni Sec. Roque, na kung muling ipatutupad ang ECQ o total lockdown sa mga nasabing lugar ay hindi na ito kakayanin pa ng ekonomiya, lalo pa’t matindi ang ibinagsak ng gross domestic product ng bansa sa 2nd quarter ng taon. (CHRISTIAN DALE)
