Mayor Belmonte binubulag ng tiwaling opisyal PANDEMIC MAFIA SA QC BINISTO

IDINULOG ng isang insider sa SAKSI Ngayon ang lantarang pagmamanipula ng tinaguriang ‘pandemic mafia’ na pinangungunahan diumano ng dalawang tiwaling opisyal ng Quezon City.

Ito ay may kaugnayan sa itinuturing na mga ‘big ticket’ projects sa lungsod sa kabila ng hirap na dinaranas at pinagdadaanan ng karamihan dulot ng pandemya.

Ibinunyag ng insider kung paano umano bulagin ng kanyang mga tauhan si Mayor Joy Belmonte at paglaruan ang proseso sa mga proyektong may kinalaman sa COVID-19 pandemic kagaya ng testing kits, kawalan ng sariling laboratoryo at pamamahagi ng electronic tablet o e-tablet sa mga estudyante ng lungsod sa nalalapit na pagbubukas ng klase ngayong buwan ng Agosto.

Pinaboran umano ng hindi pinangalanang opisyal ang isang kontrata na magsagawa ng covid testing project kahit wala itong sariling laboratoryo at sobrang delayed ang pagpapatayo ng sariling
COVID-19 response laboratory ng lungsod na katulad lang din ng mga naitayong pasilidad sa iba’t ibang mga lungsod sa Metro Manila.

Ayon sa insider, sa kabila ng ‘onerous provision’ ng kontrata kagaya ng guaranteed payment na nagkakahalaga ng mahigit sa P10,000,000.00 kada buwan bukod pa ang laboratory fee o higit
kumulang na P100 milyon pisong kabuuang halaga ng proyekto ay  ito pa rin ang pinili ng mga naturang tiwaling opisyal kahit na may mas mahusay, mura at magandang alok ang ilang
kompanya.

Base sa kontrata, maisagawa man o hindi ang target testing kada araw at buwan ay patuloy na babayaran ng lungsod ang milyon pisong halaga ng proyekto na siya umanong garapalan at walang
habas na paglustay sa pondo ng Quezon City.

Pinuna rin ng insider kung bakit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring naitatayong sariling laboratoryo ang lungsod ilang buwan makalipas ang paglaganap ng pandemya.

Kaya hindi umano nakapagtataka kung bakit patuloy na namamayagpag ang Quezon City sa dami ng bilang ng may COVID-19 sa buong NCR ay dahil na rin sa mabagal na reaction time para sa
contact tracing, isolation at treatment.

Naniniwala ang insider na isa sa maaaring dahilan kung bakit hindi pinaboran ang ibang kompanya na nag-alok ng higit na mas mahusay na serbisyo ay dahil sa takot ng mga tiwaling opisyal na
manghingi ng ‘tongpats’ o lagay dahil ito ay makararating sa kaalaman ni Belmonte.

Umaasa rin ang insider na wala talagang alam si Belmonte sa korapsyon ng pandemic mafia at gagawa ito ng aksyon para tuldukan ang lantarang panloloko sa kanya ng mga tiwaling opisyal na
kanyang pinagkatiwalaan para sa maayos na pagtugon sa krisis sa kalusugan at edukasyon ngayong panahon ng pandemya. (MATEO MAGHIRANG III)

142

Related posts

Leave a Comment