Duterte bigo kay Belgica sa misyon kontra korapsyon PACC KULELAT SA PHILHEALTH SCAM

NANGUNGULELAT ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa paghabol sa mga sangkot sa talamak na katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ito ay matapos ideklara ng minorya sa mababang kapulungan ng Kongreso na “failure” ang PACC sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa katiwalian sa kanyang pamahalaan.

Sa virtual press conference ng minority bloc sa Kamara, kapwa din binalaan nina House minority leader Bienvenido Abante at ACT party-list Rep. France Castro si PACC Commissioner Greco Belgica na huwag tangkaing ‘ilibre’ sa kaso ng katiwalian sa PhilHealth ang ilang mga sangkot dahil kung hindi ay lalong bibiguin ng mga ito ang kanilang pangulo sa kampanya laban sa katiwalian.

“Apat na taon ang Duterte administration at nakita ang kaliwa’t kanang controversy sa corruption. ‘Yung PACC dapat magsilbi talaga sa totoong functions niya,” ani Castro.

Gayunpaman, hindi ito naramdaman sa kaso ng PhilHealth dahil mistulang walang ginawa ang ahensya nang mabunyag ang dialysis scam noong nakaraang taon at maging ang iba pang katiwalian na nadatnan ng kanilang administrasyon sa nasabing state insurance firm.

“Sa bahagi ng Makabayan, failure, hindi natupad ang pangako ni Pang. Duterte na lilinisin niya sa corruption ang ating gobyerno dahil kaliwa’t kanan ang nangyayaring corruption sa administrasyon,” dagdag pa ni Castro dahil hindi ginagawa ng PACC ang kanilang trabaho.

Ayon naman kay Abante, gigisahin umano nito si Belgica kung ano ang naitulong nito at ng PACC sa kampanya ng Pangulo laban sa katiwalian sa pamahalaan simula nang manungkulan ang mga ito.

“Since the time it was organized and created, ilan na po ba ang nademanda. Ilan na ang na-charge sa [Office of the] Ombudsman,” ayon naman kay Abante at bakit patuloy pa aniya ang katiwalian sa gobyerno.

Sinabi ng kongresista na mandato ng PACC na tulungan si Pangulong Duterte sa kanyang misyon laban sa katiwalian subalit nakalulungkot aniya na marami pa rin ang anomalya at walang report sa accomplishment ng nasabing komisyon.

Nangangamba naman si Castro na maliliit ang posibleng habulin ng PACC dahil ngayon pa lamang ay mistulang iniiwasan umano ng komisyon na mapanagot ang matataas na opisyal ng

PhilHealth lalo na si PhilHealth President at CEO Ricardo Morales.

“Sinasabi nila (PACC), iimbestigahan ang PhilHealth pero parang iniitsapuwera na si Gen. Morales. Kung honest to goodness ang [laban] sa corruption sa gobyerno, dapat walang pipiliin,” dagdag pa ni Castro.

Ipinaliwanag ng mambabatas na bagama’t maraming katiwalian ang dinatnan ni Morales sa PhilHealth ay nangyari ang kontrobersya sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM) at overprice na

IT projects sa ilalim na ng kanyang pamumuno.
“Pakiusap sa PACC, dapat walang sacred cow dyan. Whoever it might be, gaano kataas ‘yan, executive lahat ‘yan eh,” ani Abante. (BERNARD TAGUINOD)

192

Related posts

Leave a Comment