WALANG planong bawiin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, National Task Force Against COVID-19 chairman, ang naunang pahayag na posibleng hindi na palawigin pa ang 2-week modified enhanced community quarantine na umiiral ngayon sa Metro Mnaila at ilang karatig lalawigan.
Positibo pa rin si Sec. Lorenzana na posibleng bumaba na ang bilang ng COVID-19 infections sa susunod na limang araw at tuluyan nang luluwagan ang umiiral na community lockdown.
Magugunitang sinabi ng kalihim noong Linggo na kung bababa ang bilang ng infection ay maari nang ibaba sa GCQ ang pinaiiral ngayon na MECQ base sa naitalang 3,000 bagong kaso kumpara sa anim na libo na naitala ng mga nakaraang araw.
Subalit kinabukasan, araw ng Lunes ay naitala ang single highest increase ng COVID-19 case na 6,958 kung saan tinuturing ang Pilipinas na highest number of cases sa Southeast Asia.
Sa isang mensahe na ipinadala ni Lorenzana, nilinaw nito na hindi nagbago ang kanyang posisyon na maaari nang luwagan ang galaw ng publiko kung bababa ang bilang ng mga bagong kaso at
posibleng magbalik trabaho na ang maraming mamamayan lalo na sa kalakhang Maynila.
Umaasa pa rin ang NTF Chairman na sa loob ng limang araw bago matapos ang MECQ, maaari pang patunayan na tama ang kanyang orihinal na pagtataya na bababa ang mga bagong kaso ng COVID-19.
“I think we are ready to go down,” ani Lorenzana sa isang panayam.
“Hindi pwedeng lockdown na lang tayo nang lockdown dahil baka mas maraming mamatay sa gutom kaysa sa COVID kung walang trabaho ang mga tao,” dagdag pa ng kalihim. (JESSE KABEL)
