UMAASA si Senador Panfilo Lacson na hindi matutulad sa nangyari sa mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na iniuugnay sa Wellmed scam ang kasasapitan ng mga matutukoy na sabit sa panibagong anomalya sa state insurance firm.
Sa halip matanggap sa serbisyo ay na-promote pa aniya ang mga opisyal na ito, na hindi naman niya tinukoy ang mga pangalan.
Kasabay nito ang pagbubunyag nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senador Lacson na nakagawa ng panibago at aktibong conduit ang mga korap na opisyal ng PhilHealth sa pamamagitan ng pekeng dialysis center.
Sa magkakahiwalay na panayam, sinabi nina Drilon at Lacson na katulad din ito ng nabukong “ghost” dialysis scam na natuklasan noong nakaraang taon partikular ang WellMed Dialysis Center na binawian ng accreditation.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Committee of the Whole, kinuwestiyon nina Drilon at Lacson ang kahina-hinalang pagpapalabas ng halagang P45 milyon na COVID-related funds sa B. Braun Avitum, isang dialysis center.
Sangkot din umano ang B. Braun sa P9.7 milyon na ibinulsa ng ilang regional officials ng PhilHealth na idineposito sa isang rural bank sa Bataan.
Sa panayam, sinabi ni Drilon na lumilitaw na panibagong conduit ng korapsiyon ang B. Braun ng mga tiwaling opisyal ng PhilHealth.
“There is a prima facie case that B Braun is the conduit,” ayon kay Drilon.
“Why is there a bank account where these funds went in Bataan. So unusual. What happened? Why [does] B Braun appear to be the beneficiary?” dagdag pa niya.
Sa hiwalay na phone patch interview, sinabi naman ni Lacson na kitang-kita sa mga pangyayari na talagang panibagong conduit ng korapsiyon ng mga tiwaling opisyal ng ahensiya ang B. Braun.
“Well it seems like ganun nga kasi parang yung situation ng WellMed noon parang dito naman, ang pumalit naman sa kanya ngayon sa ibang scheme naman yung B. Braun Avitum kasi maraming kwestyon,” ayon kay Lacson.
“Yung WellMed mas grabe yon kasi patay na yung pasyente ng dialysis naniningil pa, e nasan ngayon yung mga na-involve sa WellMed? Na-promote,” dagdag niya.
Tinutukoy ni Lacson ang apat na opisyal ng PhilHealth na nasangkot sa WellMed anomaly na inaprubahan ang promosyon ni PhilHealth president at CEO Ricardo Morales.
“Sana naman yung mai-involve dito sa B. Braun kung meron man, wag na ma-promote ulit. Parang vicious cycle na lang nangyayari,” giit ni Lacson.
MAS MARAMING AUDITOR
Kaugnay nito, hiniling ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto sa Commission on Audit (COA) na ‘bakunahan” ng mas maraming awditor ang PhilHealth bilang circuit-breaker laban sa korapsiyon matapos mapag-alaman na 16 lamang ang nagtutuos sa gastusin at pondo ng ahensiya.
Sa pahayag, sinabi ni Recto na dapat kumalap ng mas maraming accountants ang COA upang palakasin ang “COA Detachment” sa ahensiya na kasalukuyang iniimbestigahan sa katiwalian.
“Kahit one auditor per region, kulang pa rin,” ayon kay Recto matapos aminin ni COA Chairman Michael Aguinaldo na mayroon lamang 16 auditor kabilang ang isang administrative staff ang nakatalaga sa PhilHealth.
“Auditors are like smoke detectors. PhilHealth is like a big building with hundreds of rooms, but only 16 are equipped with it,” giit ni Recto.
“If an agency spends more than P140 billion a year in batches of 35,000 claims a day from 8,500 hospitals and clinics, then you must have auditors more than what you can fit in a van,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Recto na kailangan ng PhilHealth ang mas maraming anti-corruption vaccines tulad ng post-audit, fraud audit at performance audit kaya kailangan ng mas maraming awditor. (ESTONG REYES)
