ISA sa 12 bagong COVID-19 patients sa Navotas City ang namatay noong Lunes, Agosto 17, habang 208 naman ang nakarekober sa nasabing sakit, inihayag ni Mayor Toby Tiangco.
“Masayang-masaya po tayo na may 208 Navoteño na gumaling mula sa COVID-19 at nakauwi na po sila sa kanilang mga tahanan. Subalit, 12 ang nagpositibo at isa sa kanila ang binawian na ng
buhay,” ayon sa alkalde.
Hanggang alas-8:30 ng gabi noong Lunes, umabot na sa 3,810 ang nagpositibo sa nasabing sakit sa lungsod. Sa bilang na ito ay 1,100 ang active cases habang 2,600 ang gumaling na at 110 ang
namatay.
Sa kabilang banda, hanggang alas-5:00 ng hapon noong Lunes, umabot sa 2,116 ang nahuhuling lumabag sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Sa nasabing bilang, 1,756 ang walang suot o mali ang pagkakasuot ng face mask, 123 ang lumabag sa curfew at 237 ang hindi sumunod sa physical distancing
Nabatid kay Tiangco, ayon sa survey ng Social Weather Stations, 45.5% ang adult joblessness rate sa ating bansa nitong Hulyo.
Dagdag ng alkalde, ito ang pinakamataas na adult joblessness rate sa Pilipinas sa loob ng halos 30 taon, at maraming mga kumpanya na matagal na sa negosyo ang nagsara dahil wala nang kita.
“COVID-19 ang dahilan ng ating paghihirap kaya dapat masolusyunan natin ito. Mas mabilis nating masosolusyonan ang COVID-19, mas mabilis ang simula ng pagbangon ng ating ekonomiya,” ayon sa punong-lungsod.
“Hindi lang gobyerno ang may tungkulin sa laban na ito kundi bawat isa sa atin ay may personal na responsibilidad para matapos na ang pandemya. Gawin ang itinakdang safety measures para
maiwasang mahawaan at manatiling ligtas mula sa sakit. Huwag manghawa, huwag magpahawa,” pagwawakas ni Tiangco. (ALAIN AJERO)
111