UTANG NG MAGSASAKA PINALULUSAW

HUWAG nang pagbayarin ng utang ang mga magsasakang benepisaryo ng repormang pang-agraryo para makaagapay at masiguro ang suplay ng pagkain ngayong nasa kasagsagan tayo ng laban
kontra sa COVID-19.

Ito ang binigyang diin ni Senador Imee Marcos, chairman ng Senate Comittee on Economic Affairs, na nagtutulak na isama  sa Bayanihan to Recover As one Act (Bayanihan 2) ang probisyon para hindi na bayaran ng mga magsasaka ang principal amount, interes, at mga penalty sa mga inutang na pambili ng lupang sakahan, ayon sa Banking law at regulasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

“Masisiguro ng mga magsasaka na sapat ang suplay ng pagkain sa bansa sa panahon ng pandemya kung tutulungan natin sila,” pahayag ni Marcos, miyembro ng conference committee na
nakatalagang pag-isahin ang dalawang bersyon ng Senado at Kamara sa Bayanihan 2.

“Nagulo ng pandemya ang suplay ng pagkain sa bansa at lalo pang nabaon sa utang ang ating mga magsasaka dahil sa pagkaantala ng mga biyahe para maibenta ang mga inani nilang produkto dahil sa mga ipinatutupad na community quarantine,” paliwanag ni Marcos.

Aniya, kapag hindi na pinagbayad ang mga magsasaka sa kanilang mga pagkakautang, pwede na ulit itong makautang sa gobyerno para masigurong mamimintina at mapalalago pa ang kanilang
mga ani ngayong pandemya, at dapat silang isyuhan ng Land Bank of the Philippines ng sertipikasyon para maka-avail sa mga lending program ng gobyerno.

Inirekomenda ni Marcos na tanggalin na ang mga espisipikong legal na isyu sa pag-aari ng lupa at mga pabigat na requirements sa pag-aari ng lupang sakahan na ipinauutang ng pamahalaan.

Iginiit nito na bagama’t nahigitan ng LBP ang isinasaad ng batas na kahit 10% ng kabuuang loan ng bangko ang dapat ay mapunta sa mga magsasaka, bumaba naman ang mga kumuha ng loan nitong 2019 sa 6.4% kumpara sa 21.1% noong 2018.

Base sa datos ng Department of Finance at taunang report ng LBP para sa 2018, lumabas na dumami ang mga nag-apply ng loan sa mga magsasaka mula P183.4 bilyon noong 2017 ay
umakyat pa ng P222 bilyon noong 2018 pero bumagal pagpasok ng 2019 sa P236.31 bilyon.

“Nakahanda na ang Bayanihan 2 para sa ikatlong pagbasa at kasama na rito ang mga probisyon para makautang muli ang mga magsasaka sa panahon ng pandemya. Kailangan na lang plantsahin
para maisingit ang probisyon na hindi na pagbabayarin ng kanilang mga utang ang mga magsasakang benepisaryo ng repormang pang-agraryo,” pahayag ni Marcos. (NOEL ABUEL)

166

Related posts

Leave a Comment