PATAY ang isang 22-anyos na security guard na sinasabing impormante ng pulisya, makaraang barilin ng hindi kilalang suspek sa Tondo, Manila, nitong Lunes ng madaling araw.Kinilala ang biktimang si Jury Lopez y Mapa, binata, security guard sa Vitas Industrial Estate Association sa Blk.12, Aroma Temporary Housing sa Tondo at residente ng Bldg. 24 Ext., Aroma, Vitas, Tondo.
Batay sa ulat ni Det. Charles John Duran ng Manila Police District- Homicide Section, bandang ala-2:30 ng madaling araw nang mangyari ang panamaril sa Blk.12 sa Aroma Temporary Housingmalapit sa panulukan ng Mel Lopez Boulevard na dating Road 10 sa Tondo.
Ayon sa report ng pulisya, ala-1:00 ng madaling araw, matapos makipag inuman sa kanyang bisita na si Francis sa kanilang bahay, sumakay sa motorsiklo ang biktima para magtungo sa trabaho.
Ngunit pagsapit sa nabanggit na lugar ay binaril sa likurang bahagi ng kanyang ulo ang biktima ng hindi kilalang suspek.
Agad kinordon ng mga tauhan ng Smokey Mountain Police Community Precinct na sakop ng MPD- Station 1, ang lugar at ipinagbigay-alam sa MPD Headquarters ang insidente.
Dahil ‘asset’ umano ng pulisya ang biktima ay posibleng pinatahimik ito ng mga posibleng sangkot sa krimen, Hindi umano masasabing agaw-armas ang suspek dahil hindi kinuha ang service firearm ng biktima na isang 9MM pistol. (RENE CRISOSTOMO)
