SA KASO NG MORE POWER VS PECO, KAPAKANAN NG ILONGGOS ANG UNAHIN NG SC

BADILLA NGAYON Ni NELSON BADILLA

 

KAPAG elektrisidad ang pinag-usapan, walang dudang mahalaga, makabuluhan at palaging una ang interes at kapakanan ng mamamayan.

Kaya, hindi natin masisisi kung ang 65,000 power consumers sa Lungsod ng Iloilo ay nanawagan sa Korte Suprema na unahin at pagpahalagahan ang kanilang interes at kapakanan kaugnay sa kaso ng More Electric and Power Corporation (More Power) at Panay Electric Company (Peco).

Nabatid natin ang pananaw ni Halley Alcarde, general ­manager ng Western Visayas Transport C­ooperative (WVTC), na bagamat anim na buwan pa lamang ang More Power bilang supplier ng elektrisidad sa Iloilo ay napakalaki na ng kaibahan at kaginhawaan ang naramdaman ng 65,000 power consumers ng lungsod kumpara sa ilang dekadang kahirapan at kapalpakang dinanas nila sa serbisyo ng PECO.

“Alam namin na legal issues ito, mga batas ang siyang pagbabatayan ng ating mga mahistrado, pero sana ang aming apela lamang bilang mga consumer ay iprayoridad at tignan din ang kalagayan noon at ang malaking kaibahan ngayon sa power supply sa Iloilo. Sa totoo lang kami ay parang nabunutan ng tinik, na-solve ang a­ming reklamo sa problema sa ­kuryente at ito sana ang sya ding makita ng SC,” paliwanag ni Alcarde.

Bilang patunay na natutuwa ang mga residente sa pagdating ng More Power sa lungsod ng Iloilo ay ­maaaring tingnan ang mga social media account ng naturang kumpanya dahil makikita rito ang mga mensahe ng mga papuri sa More Power, sa halip na mga reklamo.

“May mga brownouts pang nararanasan sa Iloilo, pero scheduled power interruption na ang mga ito at may abiso kung hanggang anong oras, malayo noon na nawalan ng kuryente, hindi mo alam kung bakit at inaabot ng ilang araw. Nakikita namin na natutugunan na ang problema, hindi ‘yung sa PECO na walang pag-aksyon,” patuloy ni Alcarde.

Si Alcarde ay saksing buhay sa mabilis na pagtugon ng More Power sa mga reklamo ng kanilang ­konsyumer.

Para sa kaalaman ng mga residente sa Metro Manila, ang More Power ay bagong nangangasiwa sa elektrisidad sa Iloilo City makaraang bigyan ito ng prangkisa ng Kongreso, business permit ng pamahalaang lungsod ng Iloilo at Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN) mula sa Energy Regulatory Commission (ERC).

Sabi ng PECO, “unconstitutional” daw ang nangyari.

Kaya, nakarating sa SC ang kaso.

Habang inaabangan ang d­esisyon ng mataas na korte, sabi ni Francis Gentoral, executive director ng Iloilo Economic Development Foundation, Inc., bagamat nasa transition phase pa lamang ang pamamahala ng More Power ay makikitang umiiral ang “accountability at transparency” sa mga desisyon at aksiyon nito.

Mahalaga na nakukuha ng mga konsyumer ang tamang serbisyo sa binabayaran nito sa More Power.

Bilang grupo na nanghihikayat ng mga mamumuhunan sa lalawigan, idiniin ni Gentoral na kapansin-pansin ang mga pagbabago sa power system sa Iloilo City nang dumating ang More Power.

Kung dati ay mayroong mga namumuhunan na umaatras kapag nakikita ang hindi magandang estado ng supply ng kuryente, ngayon ay positibo ang reaksyon ng mga investor sa ginagawang pagsasaayos ng bagong power firm.

Patuloy na naninindigan si More Power President Roel Castro na aabutin ng tatlong taon bago tuluyang mamodernisa ang kabuuang sistema ng elektrisidad sa Iloilo City sa tulong na rin ng kanilang inilatag na P1.8 ­bilyong modernization program.

Kaugnay nito, nasimulan nang ayusin ang mga pangunahing ­problema ng elektrisidad sa lungsod, tulad ng mga sira-sira at lumang pasilidad.

Bagamat nasa ilalim ng covid pandemic ang bansa, hindi ito naging hadlang para iusad ang programang magpapaunlad sa power system sa Iloilo City.

Nang magtake-over ang More Power noong Pebrero ay napalitan nito ang 100 distribution transformers.

Napalitan din ang mahigit 100 electric poles at inayos ang 97 hotspot connectors, napalitan ang lahat ng switchboards at transformers sa limang sub-stations at maging ang depektibong electric

meters ng 15,000 residente ay nabago rin.

Sa technical study na ginawa ng Miescor Engineering Services Corporation ay natukoy na “manually operated” ang mga pasilidad na gi­nagamit ng PECO kung saan ginawa pa noong 1960s ang karamihan sa mga ito.

Nabistong hindi na ito akma sa kasalukuyang panahon at maaaring pagmulan ng sunog, lalo pa’t nakitang umaandar sa 90% capacity ang load ng mga power sub-stations na dapat ay 70% lamang.

Maliban sa mga consumer group, ilang multi-sectoral groups din ang nauna nang nagpahayag ng suporta sa More Power, kabilang ang simbahan, teacher groups at sektor ng transportasyon.

“From visibility, transparency, rapid response, courteous personnel, to leading a transformational impact in the campaign to rid Iloilo City of power thefts, the new utility distributor is ­creating change,” pahayag pa nga ni Pastor Nestor Gonzales.

445

Related posts

Leave a Comment