MATAGAL na ang korapsyon sa bidding sa mga government project subalit hindi lang ito nabibigyan ng pansin dahil marami ang nakikinabang dito.
Tinutukoy po natin ay ang mga proyekto na nasa ilalim Local Government Units (LGUs) at iba pang opisina ng gobyerno.
Halimbawa sa LGUs kahit na may Bids and Awards Committee (BAC) ay wala ring silbi dahil kung sino ang malapit kina mayor at governor ay yun ang nabibigyan ng proyekto.
“If the price is right ika nga, na ibig sabihin kung maganda ang offer ng contractor kay mayor o governor ay siya ang mabibiyaan ng proyekto”, ayon pa sa bidding insider ng PUNA.
Siyempre kung sino ang malapit sa kusina ay siya ang mauulingan mula sa mga kaldero.
Namuhunan din yan sa pagtakbo nina mayor at governor kaya naman grasya ang kanyang napala, hindi katulad ng mga sumuporta sa mga natalong kandidato disgrasya ang kanilang inabot.
Ganyan po ang kalakaran sa bayan ni Juan, sabi nga ni Erap weather weather lang yan.
Balik po tayo sa kalakaran sa bidding ng mga proyekto ng gobyerno kahit na miyembro ng Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) at Philippine Contractors
Accreditation Board (PCAB) ang contractor kung wala naman siyang koneksyon kina mayor, governor at iba pang bossing ng ahensiya ng gobyerno ay nganga siya, ala siyang project.
Sabi nga ng mga negosyante, kailangan sumabay ka sa agos kung hindi mapagi-iwanan ka sa panahon ngayon. Kung baga para kang sumalungat sa malakas na agos ng tubig.
Kung ayaw mo namang sumabay sa agos sa kalakaran ngayon para makakuha ka ng bilyun-bilyong pisong proyekto mula sa gobyerno, sa pribadong kumpanya ka na lang kumuha ng proyekto.
Bakit kamo? Kundi ka maglalatag sa mga bossing kung magkano ang kaya mong ipa-cash advance sa kanila ay malabong makakuha ka ng project.
Lahat na ng klaseng butas sa bidding ay ibabato na sayo mula sa technical group/evaluators ng BAC para may dahilan na talo ka sa sinalihan mong ‘moro-morong’ bidding.
Kalaunan pagkatapos ng bidding ang idideklarang panalo ay ang naglatag kung magkano ang kanyang ibibigay sa mga HONORABLENG SALOT NG BAYAN.
Kaya hindi po tayo magtataka kung bakit konting baha, uga ng lindol ay bumibigay na ang mga proyektong kalsada, gusali at iba dahil ampaw ang pagkakagawa nito.
Sa simpleng kwentada halimbawa ang ibinigay na lagay ng tiwaling contractor sa kapwang tiwaling opisyal ng gobyerno ay mula 10% hanggang 50% mula sa pondo ng proyekto.
Ang matitira na lang ay 90% hanggang 50% sa pondo para sa proyekto, titipirin pa ng contractor ang project para naman sa kita nya.
Ano ngayon ang kalalabasan ng proyekto? Natural ampaw!
Sabi pa ng mga taga-subaybay ng PUNA mula sa mga manggagawa sa construction, ‘matabang timplada ng semento’ ibig sabihin kakaunti lang ang ginamit na semento sa pagtitipid kaya mahinang klase ang pagkakagawa ng proyekto.
Sana masilip din daw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kalakaran sa bidding ng government projects dahil isa ito sa pinakamalaking pinagmumulan ng korapsyon na hindi nabibigyan ng pansin.
Tulad niyan ang Pilipinas ay binabayo ng halos 20 bagyo taun-taon na marami ang sinisirang imprastrakrura tulad ng kalsada, tulay at mga gusali. Kung mahina ang pagkakagawa ng mga ito ay taun-taon din aayusin ng gobyerno ang mga nasira.
Kalalabasan niyan ang gobyerno ay para lang nag-iipon ng tubig sa butas na balde, lahat ay natatapon din.
Kaya hindi nakapagtataka na kaya napag-iiwanan ang Pilipinas ng mga kapitbahay nating bansa sa Asya na mauunlad na dahil sa sobrang korapsyon dito.
Nakaw-nakaw dito, nakaw dun ang ginagawa ng mga HONORABLENG WALANG HIYA!, Pwe!
Batu-bato sa langit ang tamaan kahit pa magalit.
Kung totoo ang karma, sana tamaan ang mga ito! Walang mga kunsensiya!
Pag nasukol pa ang mga walanghiya, hindi na dadalo ang mga ito sa pagdinig kesyo nasa medical leave dahil sumama ang kanilang pakiramdam. Matagal nang kumita ang mga dahilan na yan gasgas na yan.
Habang pinagsasasaan nyo ang pera ng taumbayan ang sasarap ng mga pakiramdam nyo, pag pagdinig na sa inyong mga kalokohan nagkakasakit na kayo sana matuluyan na kayo!
Sabi pa tuloy ng mga mambabasa ng PUNA, patayin na lang sa harapan ng publiko ang mga tiwaling opisyal na ito para hindi na pamarisan.
Lord, patawarin mo po sila hindi po kasi nila alam ang kanilang ginagawa.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
