INANUNSIYO ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagkakaloob ng P500 kada araw na hazard pay sa lahat ng city employee sa panahon ng pagpapairal ng enhanced community quarantine sa National Capital Region mula Marso 15 hanggang Mayo 15.
Ayon sa alkalde, naipasa na ng Manila City Council ‘unanimously’ sa pangunguna ni Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan, ang city ordinance na magkakaloob ng ‘COVID-19’ hazard pay sa mga empleyado ng lokal na gobyerno.
Dugtong pa ni alkalde, bilang pagkilala ito sa pagsusumikap at sakripisyo ng mga empleyado na makapasok sa trabaho sa kabila ng banta ng COVID-19.
Inaprubahan umano ng Manila City Council ang P151 milyon para sa hazard pay.
Nabatid pa sa alkalde, ang budget para sa ordinansa ay kukunin sa Personal Services and Special Activities Fund and Maintenance at iba pang Operating Expenses ng siyudad.
Kabilang sa mga pagkakalooban ng hazard pay ang mga regular, contractual o casual at job order na mga empleyado.
Samantala, nilinaw naman ni Council Majority Leader Councilor Joey Chua na hindi kasama sa hazard pay ng lungsod ang barangay officials dahil hindi naman sila ikinukonsidera bilang city employee.
Aniya, kung may pondo ang mga barangay ay doon dapat kunin ang kanilang hazard pay na hindi lalampas sa P500 kada araw alinsunod sa Administrative Order No. 26 na inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte na naging basehan ng pagpasa nang Ordinance No. 8667. (RENE CRISOSTOMO)
124
