MARAMING ospital na binigyan ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM) funds ang naubos ang pondo kahit walang ginamot na pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
Ito ang natuklasan sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng House committee on public accounts na pinamumunuan ni Anakalusagan party-list Rep. Mike Defensor kaugnay ng anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa manifestation ni Marikina Rep. Estella Quimbo, sa 172 Health Care Institutios (HCI) na binigyan ng IRM Funds na nagkakahalaga ng P14. 9 bilyon ay 458 na umano ang nagsimulang mag-liquidate at 346 HCIs ang walang naitalang COVID-19 patients.
“Meron po tayo ditong listahan ng facilities na mayroon na pong 100% liquidated. So kung ano ang natanggap nila as of August 10, ay na-liquidate na nila nang buong-buo,” ani Quimbo.Kabilang dito aniya ang Metro Balayan Medical Center na na-liquidate na umano ang P6,110,049 IRM funds; Palawan Medical Mission Group Multipurpose Cooperative, P23.6 million; Divine Mercy Wellness Center , Inc., P17.5 million; Allied Care Expert Medical Center-Tacloban, Inc, P2.1 million; RTN Foundation Hospital, P1.6 million; Cataingan District Hospital, P278, 616 at Salcedo Doctors Hospital Inc. na may P290,375.
Lumalabas aniya na ang IRM ay hindi nagagamit sa mga tunay na pasyente ng COVID-19 gayung ginawa ang programang ito upang matulungan ang mga pagamutan sa pagtugon sa mga pasyente ng nasabing virus.
Iginiit din ng mambabatas na suspendehin na ang case rate sa COVID-19 dahil nagagamit umano ito ng mga tiwaling ospital para gatasan ang PhilHealth.
“Mayron akong report na natanggap na isang suspected COVID patient ang chinarge ng ospital ay P100,000. Ang binayad ng PhilHealth sa inaplay na case rate is the severe case rate na P333,000 so tumubo pa ang hospital ng more than P200,000 and not only that Mr. Chair, this patient eventually tested negative,” ani Quimbo.
Hindi pinangalanan ni Quimbo ang ospital subalit malaking pagkakamali aniya ang polisiya na bayaran ang mga pagamutan sa mga suspected at probable COVID-19 gamit ang COVID-19 rate case.
Iniimbestigahan na rin ng komite ni Defensor ang mga ulat na ginagamit ang IRM para makasingil ang mga ospital sa PhilHealth dahil umaabot umano sa P13 billion ang atraso ng mga ito sa mga private at public hospital bago nagkaroon ng pandemya. (BERNARD TAGUINOD)
378 