MATUTULDUKAN na ba ang korapsyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) matapos masampahan ng kaso ang mga nasa likod ng katiwalian?
Natukoy na rin kung saan ang pinagmumulan ng nakawan sa nasabing opisina. Lumalabas na ang Information Techonology (IT) at Legal Department ng PhilHealth ang nasa likod ng bilyun-bilyong pisong korapsyon sa ahensiya.
Ipinadadala kasi ng mga ospital ang kanilang claims sa IT Department ng PhilHealth kaya ito ang nakakaalam kung magkano ang kanilang masisingil. Dito na pumapasok ang korapsyon kasi wala raw nagsasagawa ng pagdo-double check sa claims ng mga ospital.
Siyempre ang IT department na ng PhilHealth ang bahala riyan, sa lagay ba naman ganun-ganun na lang?
At bakit din daw ibinibigay agad (cash advance) ang bilyung pisong pondo ng PhilHealth sa mga ospital na hindi pa naman dapat ibigay?
Kung hindi nagkaroon ng Covid-19 ay hindi mabibisto ang bilyung pisong korapsyon sa PhilHealth. Matagal na palang kalakaran yan pero bakit walang nakasuhan ang kanilang legal department na sangkot sa paglustay ng pondo na mahigit kumulang sa 15 bilyung piso na inipon ng mga ordinaryong mamamayan na nakalaan para sa kanilang pagkakasakit?
Sa galit ng mga netizens sa kanilang mga reaksyon sa social media ay gusto nila na mapatawan ng pinakamabigat na parusa ang mga sangkot sa katiwalian.
Kung sila ang masusunod ay bitay raw ang kanilang gustong parusa sa mga opisyal ng PhilHealth para hindi na raw ito pamarisan ng iba pang opisyal ng gobyerno. Yun lang walang parusang bitay sa Pilipinas.
Gusto rin nila na maging si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque ay maparusahan. Hindi naniniwala ang mga netizens na walang alam si Duque sa katiwalian ng PhilHealth sa tagal na niyang pabalik-balik sa DOH. Bilang Kalihim ng DOH si Duque ay awtomatikong Chairman of the Board ng PhilHealth.
Sa pinakahuling info na natanggap ng PUNA, hindi lang ang pagpapalit ng sakit ng pasyente mula sa ordinaryong sipon ay gagawing mas malalang sakit para malaki ang masingil ng mga ospital.
Mayroon din daw pagkakataon na nadodoble ang pagbabayad ng PhilHealth sa mga ospital.
Abay! Sobra-sobrang pagpapasasa nila sa pera mula sa taumbayan.
Dapat nang isailalim sa lifestyle check ang mga opisyal ng PhilHealth na pinaghihinalaang nasa likod ng paglustay ng pondo. Hindi dapat makuntento lang sa pagsasampa ng kaso sa mga sangkot sa katiwalian kundi ma-check din ang kanilang lifestyle para malaman kung saan nila dinala ang pera na inipon ng taumbayan sa ahensiya.
Kawawa naman ang mga ordinaryong mamamayan na awtomatikong kinakaltasan ang kanilang suweldo para sa kontrisbusyon nila para sa PhilHealth tapos lulustayin lang ng mga opisyal nito.
Paano pa ngayon magtitiwala ang kanilang mga miyembro sa mga bagong uupong opisyal ng PhilHealth? Paulit-ulit na lang kasi na nangyayari ito na hindi natutuldukan ang korapsyon.
Nagsumite na raw ng resignation letter kay Pangulong Rodrigo Duterte si PhilHealth President Ricardo Morales.
Sana yung ibang opisyal ay tablan din ng kahihiyan magbitiw na rin sila nang mabihisan na sa mga korap na opisyal yang PhilHealth.
Siyempre kasunod nyan, papalitan na sila ng mga bago at sana naman matapos ang katiwalian sa PhilHealth.
Masakit sa aming mga ordinaryong manggagawa na nagiipon kami para sa panahon na magkasakit kami ay may huhugutin kaming pondo, yun pala ay nilustay na ng aming pinagkatiwalaan na hahawak nito.
Sabi nga ng taga-subaybay ng PUNA, “bantay salakay raw ang nangyayari”.
Kakahiya kayo!
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
288 