RECLAMATION SA MANILA BAY TINUTUTULAN

NITONG nakaraang Agosto 31, 2020 ay sinimulan na raw ang pagtatambak ng buhangin sa Baywalk ng Manila Bay area.

Pero ayon sa Kalikasan People’s Network for the Environment, wala raw malinaw na environmental impact assessment at public consultation ang nasabing proyekto ni Yorme Isko Moreno.

Ang nasabing land reclamation activity ay delikado raw sa marine wildlife at makakaapekto sa coastline communities na kalapit ng nabanggit na lugar.

Kaya hinihiling nila ngayon kay Yorme at sa iba pang ahensiya ng gobyerno na nakatoka sa rehabilitasyon ng Manila Bay na agad itigil ang dum-and-fill reclamation activity.

Kailangan daw imbestigahan at isailalim sa tamang impact assessment at social acceptability procedures ang proyekto.

Ang hindi tamang pagtatambak ng buhangin sa Baywalk ay magreresulta raw sa pag-apaw ng tubig sa mga gusali na malapit sa lugar at madali pang pagmulan ng baha.

Magreresulta rin daw ito sa polusyon at pagkasira ng marine conservation areas ng Maynila.

Sabi tuloy ng grupo kay Yorme, hindi pa patay ang Manila Bay.

Ayon pa sa kanila sa katunayan ay may “Sardinella Pacifica” isang bagong sardine species sa Manila Bay at ang isdang ito ay matatagpuan lamang sa Pilipinas.

Nadiskubre lamang ito noong nakaraang taon sa Manila Bay. Mismong ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang nagsabi na ang Manila Bay ay potential sardine conservation areas.

Dati nang binanggit ni Yorme sa kanyang pangangampanya nung tumatakbo pa lamang siyang alkade ng Maynila na tutol siya sa reclamation projects. Anyare Yorme? Tanong ng grupo.

Sabi ng “ASIN” na isang grupo ng mga mang-aawit na “hindi masama ang pag-unlad, wag lang sirain ang kalikasan.”

Pag sinira ng tao ang kalikasan ay gaganti yan at hindi mapipigilan ng sangkatauhan ang ngitngit at galit nito sa mamamayan.

Lalo na ang Pilipinas ay halos 20 bagyo ang dumadating sa loob ng isang taon. Kung babalewalain natin ang kalikasan, sinira natin ang tamang daluyan ng mga tubig baha, pinutol ang mga puno sa mga kagubatan, ‘wag tayong magtaka kung bakit konting ulan lang sa Metro Manila ay umaapaw na ang tubig ulan.

Marami ring estero, kanal at ilog ang natabunan sa Metro Manila na tinayuan ng mga gusali na hanggang ngayon ay nawawala pa at hindi na itong naibalik sa dati at orihinal na mga disenyo.

Hindi man tuluyang tinabunan ay pinaliit na para lang mabigyan ng lugar ang itatayong gusali maging pribado man po o pampubliko tanggapan.

Dapat pagtuunan ng pansin iyan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at ipalabas ang mga orihinal na daluyan ng tubig baha sa Metro Manila.

Yan ay kung gusto ng gobyerno natin na maibsan ang baha sa tuwing panahon nang tag-ulan.

Isama nyo na rin MMDA ang problema sa basura na isa pang pinagmumulan ng pagbabara ng mga kanal at estero kaya tuwing tag-ulan nasa kalsada na ang mga ito at lulutang-lutang sa baha.

Isama nyo na rin ang hindi maresolbang problema ng basura sa Brgy. 171 Bagumbong, Caloocan City partikular sa gilid ng Young Achievers School at malapit sa Caloocan City Complex na pawang nasa Bagumbong Road lamang.

Ang mga lugar na ito ay ginawang tambakan ng basura lalo na ang tabi ng Young Achievers School.

Nakakadiri ang mga basurang ito kaya, paging Chairman Romeo Rivera ng Brgy. 171 Bagumbong, Caloocan! Sir may magagawa po ba kayo para matigil na itong ginagawang basurahan ang mga lugar na binanggit ng PUNA?

Alam naman natin na sa basura ay sari-saring mga sakit ang maaaring makuha dito. Kawawa naman ang mga residente na malapit sa mga basurahan ito.

Hindi rin natin sila masisi kung bakit nila inilalagay sa mga lugar na nabanggit ang kanilang mga basura dahil wala namang sinasabi sa kanila ang barangay kung saan dapat nila ilagay ang mga ito.

Balik po tayo sa reclamation project sa Manila Bay, sana ikonsidera po ninyo ang kalalagayan ng kalikasan hindi lang puro kita (income) isipin din natin ang kinabukasan ng ating nag-iisang Inang Bayan.

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

179

Related posts

Leave a Comment