NASORPRESA sa pagsalakay ng mga operatiba ng Manila Police District ang isang may-ari umano nang nadiskubreng pagawaan ng mga pekeng dokumento gaya ng IATF ID, quarantine pass, travel authority pass, medical certificate, swab test at rapid test results sa Sta. Cruz, Manila nitong Biyernes ng madaling araw.
Binitbit ng mga tauhan ni P/Lt. Col. John Guiagui, station commander ng Manila Police District-Police Station 3, ang suspek na si Marilyn Balagtas y Cruz, 40, siya umanong nagpapatakbo ng pagawaan ng pekeng dokumento sa panulukan ng Sulu at Remigio streets sa Sta. Cruz.
Batay sa ulat ni Guagui, bandang alas-5:45 ng madaling araw nang isagawa ang entrapment operation sa nasabing lugar.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang computer, printer at iba’t ibang klase ng mga dokumento na iniimprenta ng mga suspek.
Pahayag ni Guiagui, natunton ang lugar matapos umanong masita ang isang lalaki na may bitbit na pekeng travel authority.
Bunsod nito, itinuro ng lalaki ang ang karatula ng stall kung saan siya nagpagawa ng pekeng dokumento na binayaran umano niya ng P300.
Nalaman na ang pagawaan ng mga pekeng dokumento ay dinarayo ng mga nagpapagawa ng mga pekeng dokumento mula sa iba’t ibang lugar.
Kaugnay nito, itinanggi ni Balagtas ang alegasyon at sinabing pinapa-scan lang sa kanya ng mga kustomer ang mga dokumento at taga-imprenta lang sila.
Si Balagtas ay nahaharap sa kasong falsification and use of falsified document. (RENE CRISOSTOMO)
