2 anak dinukot ng social workers NAGHABOL NA AMA, KULONG SA AUSTRALIA

HINATULAN ng mahigit pitong buwang pagkabilanggo nang walang pardon sa bansang Australia ang ama ng dalawang menor de edad na dinukot umano ng social workers.

Bunsod nito, kinondena ni Inocencio Coy Garcia ang pagiging inutil ng Consul General na si Ezziden Tago ng Philippine Consulate sa Sydney, Australia dahil wala umano siyang natanggap na tulong mula rito.

Si Garcia ay hinatulan sa kasong ‘unlawfully broadcast/publish name of child’ ng Mt. Druitt Local Court, NSW, sa Sydney, Australia.

Ayon kay Garcia, ilang ulit siyang humingi ng tulong sa Philippine Consulate sa Sydney ngunit ang tanging ang dumating sa korte ay si Maybel Marinay-Caparino, kinatawan ng nasabing konsulado.

Ang tangi lamang umanong ginawa ni Marinay ay saksihan ang pagbaba ng hatol ng korte hinggil sa kaso.

Aniya, hindi siya binigyan ng abogado na magtatanggol sa kanya hinggil sa mga kasong isinampa ng mga social worker na kumidnap umano sa dalawa niyang menor de edad na anak.

“Ngayon araw, [September 3, 2020] alam ko na ipapakulong ako ng korte upang hindi ko mabawi ang dalawa kong anak na kinidnap ng mga social worker,” pahayag ni Garcia.

“Wala akong abogado na magtatanggol sa akin at sinabi ko ito kay Maybel Marinay-Caparino, ngunit sinabihan niya ako na hindi siya abogada at hindi niya ako mabibigyan ng abogado at nandoon lamang siya upang tunghayan ang gagawin paghatol sa akin ng korte,” paliwanag ni Garcia.

Una nang humihingi ng tulong kina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Theodor Locsin Jr. si Garcia upang maibalik sa kanya ang dalawang menor de edad na anak na dinukot umano ng social workers ng Department of Children Services (DoCS) at personnel ng Family Community Services and Justice (FCSaJ) noong taong 2014.

Sinampahan ng kasong kidnapping ni Garcia ang mga tauhan ng DoCS-FCSaJ sa Mount Druitt, City of Balckdown, sa Greater Sydney Metropolitan area sa New South Wales noong Setyembre 23, 2014.

Salaysay ni Garcia, biglang pinasok ang kanilang bahay ni DoCS case acting manager Kayleigh Wotherspoon at dinukot sina Jennifer, 3.5-anyos, at James 2.5-anyos habang siya ay nasa trabaho.

Inakusahan umano ni Wotherspoon si Garcia ng child abuse, malnutrition at domestic violence para pagtakpan ang pagdukot sa mga bata at magkaroon ng legal na basehan para kunin ang kustodiya ng dalawang bata mula sa pangangalaga ng ama.

Ngunit nakipagsabwatan umano ang korte sa mga social worker at sa halip na pagtuunan ang kasong kidnapping na isinampa ni Garcia laban sa social workers, pinagtuunan ng pansin ang mga reklamong ‘unlawfully broadcast/publish name of child’ sa Facebook account ng akusado, ng Mt. Druitt Local Court, NSW, Sydney Australia upang patahimikin at tuluyan nang hindi mabawi ang mga anak nito.

Panawagan ni Garcia kay Pangulong Duterte, tulungan siyang makuha ang kustodiya ng dalawang menor de edad na anak at ang agarang masibak sa puwesto si Tago. (RENE CRISOSTOMO)

176

Related posts

Leave a Comment