NASAKOTE ang tatlong hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang fire protection agent, matapos makumpiskahan ng mahigit sa P.2 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Malabon City nitong Linggo ng madaling araw.
Kinilala ni Malabon Police chief, Col. Jessie Tamayao ang arestadong mga suspek na sina Reya Remodaro, 24, sales lady; Elizabeth Yabut, 59, kapwa ng #1586 Sawata A1 Caloocan City, at Glen Ritaga, 48, fire protection agent at residente sa #663 Mary Ann St., Isla San Juan, Tondo, Manila.
Ayon kay Col. Tamayao, alas-4:10 ng madaling araw nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna ni P/Lt. Adonis Aguila, ang buy-bust operation sa Dalagang Bukid St. corner Tanigue St., Brgy. Longos, Malabon City na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang 47 plastic sachet na naglalaman ng aabot sa 37.3 gramo ng shabu na tinatayang P253,640 ang street value. (FRANCIS SORIANO)
146
