55K PULIS, FORCE MULTIPLIERS IPAKAKALAT SA SCHOOL OPENING

HANDA na ang Philippine National Police (PNP) para sa pagbabalik-eskwela sa ikalawang linggo ng Hunyo.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., magpapakalat ang pambansang pulisya ng mahigit 55,000 pulis at force multipliers sa buong bansa upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante sa kanilang pagbabalik sa paaralan.

Ipinag-utos na rin ni Nartatez sa lahat ng PNP Regional Directors na paigtingin ang presensya ng mga pulis sa mga istratehikong lugar para sa ligtas at maayos na balik-eskwela.

Sinabi rin ng opisyal na may kabuuang 55,507 personnel ang ide-deploy katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Sa naturang bilang, 28,751 ay mula sa PNP, 4,079 mula sa iba’t ibang police units habang 22,677 naman ang force multipliers.

Magpapakalat din ng foot patrols sa matataong lugar upang mapigilan ang maliliit na krimen at iba pang ilegal na gawain na karaniwang tumataas tuwing panahon ng pagbubukas ng klase.

Noong Biyernes, inilunsad na ng Department of Education (DepEd) ang nationwide Oplan Balik Eskwela bilang paghahanda sa pagbubukas ng School Year 2026-2027 sa Hunyo 8.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, isasagawa ang Oplan Balik Eskwela mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 11 upang matiyak ang maayos na pagbubukas ng klase sa buong bansa.

Layunin ng programa na mapabilis ang enrollment process, matugunan ang concerns ng publiko, at matiyak na handa ang mga paaralan para sa panibagong school year.

Nasa 16 na ahensya ng pamahalaan at utility partners ang makikibahagi sa preparasyon para sa pagbubukas ng klase.

Kabilang dito ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), Department of Health (DOH), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mangangasiwa sa pagpapatupad ng safety, health, at traffic management measures sa mga paaralan.

Tututukan naman ng Department of Transportation (DOTr) ang daloy ng mga commuter sa pagsisimula ng klase habang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) ay tutulong sa pagpapalakas ng communication at connectivity services.

Nakaantabay rin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para sa mga posibleng epekto ng masamang panahon at iba pang emergency situations sa school opening.

Samantala, inatasan naman ang Manila Electric Company (Meralco) at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na tiyakin ang sapat na suplay ng kuryente at tubig sa mga paaralan.

Upang mapadali ang pagtugon sa concerns ng mga magulang at estudyante, mag-o-operate rin ang Oplan Balik Eskwela Public Assistance Command Center sa pamamagitan ng hotlines, text messaging, email, at social media platforms mula central, regional, division hanggang school levels.

Hinikayat naman ng DepEd ang publiko na makipagtulungan upang maging maayos at ligtas ang pagbubukas ng klase ngayong taon.

Kaugnay nito, sinimulan na rin ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang preparasyon para sa pagbubukas ng klase at papalapit na tag-ulan.

Partikular na inatasan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga opisyal ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office, Manila Health Department, Department of Engineering and Public Works, General Services Office, at Manila Department of Social Welfare para tiyakin ang kahandaan ng lungsod.

Unang ipinag-utos ng alkalde sa Department of Engineering and Public Works ang pagsasaayos at paglilinis ng ilang pampublikong paaralan sa lungsod.

Nagsagawa rin ng clearing at flushing operations sa ilang eskwelahan habang nilinis din ang mga kanal kung saan ilang sako ng basura ang nahakot.

Layunin ng hakbang ng Manila LGU na mapanatiling malinis ang paligid ng mga paaralan at masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral ngayong papalapit ang panahon ng tag-ulan.

(TOTO NABAJA/JOCELYN DOMENDEN)

112

Related posts

Leave a Comment