Makilala, COTABATO – Posibleng sa mga evacuation center pa rin mag-Pasko at bagong taon sa ikalawang pagkakataon ang mga nawalan ng bahay dahil sa lindol sa Makilala, North Cotabato.
Ito ay dahil hanggang ngayon ay hindi pa nakumpleto ng pamahalaang lokal ang pagbili ng lupa na pagtatayuan ng bahay ng libu-libong residente na ngayon ay nasa tent pa rin nakatira.
Pero paglilinaw ng Sangguniang Bayan ng Makilala, hindi sila ang dahilan ng delay para maaprubahan ang mga programa lalong-lalo na sa pagbili ng lupa na gagawing resettlement area ng mga pamilyang naapektuhan ng nagdaang lindol.
Nilinaw ito ni Committee on laws Chairman, Municipal Councilor Katherine Dela Cruz.
Nitong Martes sa isinagawang regular na sesyon ng Sanggunian ay bisita si Joy Barit, ang focal person na siyang tumututok sa pagbili at paghahahanap ng lupang bibilhin para sa mga bakwit.
Humingi ng update mula sa kanya ang Sanggunian at pinagbigay-linaw kung bakit hanggang sa ngayon ay wala pang nabibiling lupa para sa mga bakwit.
Sa ngayon kasi ay may apat na resolusyon nang inaprubahan ang SB hinggil sa authority to purchase na hinihingi ni Mayor Armando Quibod.
Una rito ay inaprubahan ang apat na lupang bibilhin ng LGU sa Barangay Malasila, Cabilao, Batasan at Barangay Sto Nino.
Pero ayon kay Dela Cruz, ay wala pang mga karagdagang dokumentong nakarating sa kanya para sa bibilhing lupa.
Kaya aniya tumagal ang pagbili ng lupa ay dahil sa mga kakulangan ng dokumento ng mga nagmamay-ari ng lupa. Isa rin sa mga rason ay hindi ito nakapasa sa MGB at PHIVOLCS.
Sa ngayon ay ang lupa sa Barangay Malasila at Sto. Nino palang ang may malinaw na mga dokumento.
Kabuang 4.6 hectares sa Barangay Malasila ang nakatakdang bilhin na nagkakahalaga ng P1.5 million kada ektarya habang pitong ektarya naman sa Barangay Sto Nino. Nagkakahalaga ang mga ito ng 10 million pesos.
Kahapon ay naaprubahan sa Sanggunian ang karagdagang authority to purchase na hinihingi ni Mayor Quibod para sa bibilhing 3 ektaryang lupa sa Barangay Buhay at 2 ektarya naman sa Barangay Buena Vida.
Pero ang lupang ito ay sasailalim pa sa inspection ng MGB kung papasa.
Dahil dito, inaasahang magtatagal pa ang mga bakwit sa evacuation center. (BONG PAULO)
207 