NABIBILANG na ang masasayang araw ni Major General Debold Sinas sa National Capital Region Office (NCRPO) dahil plano ng bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) na ilipat na sa Camp Rafael Crame ang ‘kontrobersiyal’ na opisyal.
Ayon kay Lt. Gen. Camilo Cascolan, kailangang maipuwesto si Sinas sa posisyong higit na nababagay sa kanya.
Si Sinas ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Batch 1987.
Mistah niya si Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, ang PNP deputy director general for operations.
Ipapalit ni Cascolan si Brig. Gen. Vicente Danao Jr., direktor ng Rehiyong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), kay Sinas sa NCRPO.
Idiniin ni Cascolan na ang liderato ni Danao ang tugmang mamuno sa NCRPO. Si Danao ay nagtapos sa PMA noong 1991.
Kapag itinuloy ni Cascolan ang plano niya ay malinaw na maraming nalampasang heneral na higit na nauna kay Danao.
Si Danao ay hepe ng PNP sa Davao City mula 2013 hanggang 2016. Siya ang direktor ng Manila Police District (MPD) bago italagang pinuno ng PNP sa Calabarzon noong Oktubre,2019.
Kapag naging NCRPO director si Danao, nangangahulugang nanaig ang koneksyon niya sa Davao City kaysa kapit ni Sinas sa retiradong police colonel na general manager ng isang ahensiya ng pamahalaan na matatagpuan sa Quezon City.
Ang pagbabago ng mga posisyon ay una sa mga desisyon ni Cascolan mula nang maging hepe ito ng PNP noong Setyembre 2.
Nakatakda siyang magretiro sa Nobyembre 10 ng kasalukuyang taon. (NELSON S. BADILLA)
