IDINEKLARA ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakatipid ito ng P10 bilyon ngayong 2020.
Wala sa hulog ang DSWD na pinamumunuan ni Secretary Rolando Bautista na sabihin sa mga senador na nakatipid ng P10 bilyon ang DSWD dahil ibinaba nito sa apat na milyon ang bilang ng benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP), banggit ni Senador Panfilo Lacson.
Ani Lacson: “I would have manifested that hundreds of thousands of mouths are still waiting to be fed just to survive, and that the agency should at least mind those poor souls” kung kasama siya sa pagdinig ng badyet ng DSWD para sa 2021.
Ang inilaan ng Department of Budget and Management (DBM) na badyet ng DSWD para sa susunod na taon ay P171.2 bilyon.
“I would have insisted that the DSWD utilize the P10 billion for distribution, instead of prematurely declaring the same as “savings” after it scaled down the number of cash aid beneficiaries by four million households,” patuloy ni Lacson sa kanyang press statement.
Ang paliwanag ng DSWD sa kontrobersiya ay ilalaan nito ang P10 bilyon sa iba pang proyekto ng kagawaran.
Ayon sa ilang senador, tahasang paglabag ito sa Bayanihan to Heal as One Act dahil ang P10 bilyon ay bahagi ng perang inilaan sa SAP.
Kaya, dapat naipamahagi ito sa mga benepisyaryo ng SAP.
Tinapos na ng DSWD ang implementasyon ng SAP sa pinakamahihirap na pamilyang Filipino kahit napakarami pang hindi nakatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 kada “bahay” ng mahihirap na pamilya.
Nagpadala si Lacson ng opisyal na liham kay DSWD Sec. Bautista mahigit isang linggo na ang nakalilipas para sa mga benepisyaryo ng SAP na wala pang natatanggap mula sa DSWD.
“Not being arrogant or trying to throw my weight around, I have not even received a “yes” or “no” response even from a clerk of DSWD,” pahayag ni Lacson.
“If this is not failure of planning, preparation, coordination and implementation, I do not know how to describe it,” patuloy ng senador.
Itulong sa mahihirap
Kaugnay nito, sinabi ng Malakanyang na dapat gamitin ng Department of Social Welfare and Development ang natitirang P10 billion sa ilalim ng COVID-19 emergency cash assistance program para tulungan ang mahihirap na sambahayan at vulnerable sectors.
“Dahil ‘yan po ay naibigay na ng Kongreso, kung pupuwede nga po ay ibigay pa po ‘yan doon sa mga pamilya na hindi pa nakakatanggap ng second tranche,” ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.
Sa ulat, hindi lang mga senador ang nagulat sa report ng DSWD na may P10 bilyon pa itong natitira mula sa pondo para sa Social Amelioration Program (SAP).
Sa budget hearing ng Senado, sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez na nagulat din sya sa ulat ng DSWD kaya pag-uusapan nila ito sa Development Budget Coordination Committee
(DBCC) na binubuo ng economic managers ng administrasyon.
Idiniin naman ni Dominguez na ang hindi nagalaw na P10 bilyon ay bahagi lamang ng bilyun-bilyong halaga ng naipamigay nang ayuda ng gobyerno para sa mga naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Tinukoy ng kalihim ang P200 bilyon para sa SAP at P40 bilyon na ayuda na idinaan sa Social Security System (SSS) at Bureau of Internal Revenue (BIR). (NELSON S. BADILLA/CHRISTIAN DALE)
