HINDI magpapatupad ng dagdag-pasahe sa muling pagbiyahe ng mga provincial bus simula bukas, Setyembre 30.
Ito ang pagtiyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay ng inaasahang pagbabalik pasada ng nasa 12 modified provincial bus routes sakop ang 286 units palabas ng Metro Manila patungo sa mga kalapit na probinsya partikular sa Central Luzon at CALABARZON.
Ayon kay LTFRB Technical Division Head Joel Bolano, mananatili ang dating pasahe sa mga babalik na ruta.
Bago sinuspinde ang operasyon ng mga bus noong Marso, ang ordinaryong provincial bus ay mayroong minimum fare na 9 pesos at nasa ₱1.55 ang dagdag sa mga susunod na kilometro.
Para naman sa air-conditioned buses, nasa ₱1.75 ang dagdag sa mga susunod na kilometro, ₱1.85 para sa deluxe, ₱1.95 para sa super deluxe at ₱2.40 naman para sa luxury buses.
Paglilinaw ng LTFRB, hindi maaaring magbaba o magsakay ng pasahero sa pagitan ng mga inaprubahang ruta maliban na lamang kung may itinalagang stop-over points o terminals.
Pinayuhan din ng ahensya ang mga pasahero na bumili nang maaga ng kanilang mga ticket.
Kailangan ding may travel pass na inisyu ng Philippine National Police (PNP) kung saang lugar sila nanggaling, valid identification card at iba pang dokumentong hinihingi ng Inter-Agency Task
Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa mga pasahero.
Kailangan din ng written consent para matiyak na ang mga pasahero ay sang-ayon na sumailalim sa COVID-19 testing o quarantine sa mga terminal at end-point destination sakaling hingan sila ng Local Government Unit (LGU).
Samantala, iminungkahi ng LTFRB sa Department of Transportation (DOTr) na i-waive ang ilang regulatory fees na ipinapataw sa Public Utility Vehicle (PUV) operators.
Tugon ito ng LTFRB sa hiling ni Provincial Bus Operations Association of the Philippines Director Alex Yague.
Ayon kay LTFRB Chairperson Martin Delgra III, may probisyon sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2 kung saan may perang inilaan sa DOTr para tulungan ang mga industriyang matinding naapektuhan.
Bukod dito, sinabi ni Delgra na makatatanggap din ang mga PUV operator ng cash at fuel subsidies mula sa Bayanihan 2. (TJ DELOS REYES)
194
