AFP, US, ALLIES PINAMALAS ‘BANGIS’ SA PALAWAN

IPINAKITA ng Pilipinas katuwang ang United States, Australia at New Zealand, ang kanilang kakayahan na maipagtanggol ang sarili sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos sa teritoryo ng bansa sa pamamagitan ng isinagawang live fire exercises sa Palawan.

Nitong Lunes ay nagsagawa ang Armed Forces of the Philippines (AFP), kasama ang United States Armed Forces, Australian Defense Force, at New Zealand Defense Force, ng Counter-Landing Live Fire Exercises (CLLFX-West) sa Apurawan Beach Landing Site, Aborlan, Palawan bilang bahagi ng Exercise Balikatan 41–2026.

Pinangunahan ng 3rd Marine Brigade ng Philippine Marine Corps, ang pagsasanay sa pamamagitan ng simulation o kunyaring banta ng pag-atake sa dagat na kinasasangkutan ng amphibious landing ng kalaban sa baybayin.

Ipinakita nito ang kakayahan ng pinagsamang pwersa na matukoy, harangin at mapigilan ang mga kaaway na magtatag ng beachhead. Nagpakita rin ito ng matibay na koordinasyon at interoperability ng mga kalahok na pwersa sa isang masalimuot na littoral environment.

Itinampok sa ehersisyo ang layered, multi-domain defense gamit ang sabayang air, land, at indirect fire assets.

Nag-deploy ang Philippine Air Force ng FA-50 fighter jets para sa air interdiction, habang sinusuportahan ng U.S. forces ng High Mobility Artillery Rocket System (HIMARS).

Nagsagawa naman ang ground forces ng mid- hanggang close-range engagements gamit ang artillery, mortars, light armored vehicles, anti-armor systems, heavy machine guns, at infantry weapons, na sinusuportahan ng precision strikes at reconnaissance.

Sa nasabing joint war drill ay isinagawa rin ang simulated Non-Combatant Evacuation Operation (NEO) sa Sitio Bubusawin at Sitio Long Point, at isang community outreach activity na isinagawa sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Aborlan at Barangay Apurawan, na nagbigay-diin sa papel ng AFP sa defense at humanitarian operation.

Saksi sa live fire exercise si General Romeo S. Brawner Jr., AFP Chief of Staff, kasama si Vice Admiral Alan M. Javier, Commander ng Western Command. Dumalo rin sina Major General James Bartholomew, Commander ng 25th Infantry Division, US Army; Major General Thomas Savage, Commander ng U.S. JTF para sa Exercise Balikatan 2026; at Rear Admiral Brent DeVore, Commander ng Expeditionary Strike Group THREE, U.S. Navy.

(JESSE RUIZ)

45

Related posts

Leave a Comment