2 PULIS, 4 PA INARESTO SA ILLEGAL MINING

DALAWANG aktibong pulis at apat na iba pa ang inaresto at kinasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 7942 o The Philippine Mining Act matapos silang maaktuhan na ilegal na nagbibiyahe ng mineral ores na tinatayang nagkakahalaga ng P290,000.00 sa lalawigan ng Misamis Oriental.

Ayon sa PNP, nahuli ang anim habang sakay ng isang Mitsubishi L300 nang dumaan sila sa checkpoint sa bahagi ng Sitio Mahayahay sa Barangay Limonda, bayan ng Opol noong Lunes ng hapon.

Sa isinumiteng ulat mula sa PNP Police Regional Office Northern Mindanao (PRO 10), kinilala ang dalawang active police officers na isang police senior master sergeant at isang police staff sergeant na kapwa 37-taong gulang at nakatalaga sa Monkayo Municipal Police.

Kinilala naman ang apat na sibilyan na sina alyas “Regine,” 46; “Nerie,” 33; “Jesson,” 32; at “Francisco,” 46.

“Pagsapit sa checkpoint, nirikisa ng mga pulis na nagbabantay ang kahina-hinalang kargamento ng grupo at dito tumambad ang sako-sakong umano’y mineral ores na nasa may passenger seat ng sasakyan, ayon pa sa PNP- PRO 10.

Wala umanong maipakitang dokumento ang mga suspek hinggil sa pagbibiyahe ng sinasabing mineral ores kaya sila inaresto.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Opol Municipal Police station ang anim na suspek habang iniimbestigahan kung saan nagmula at saan dadalhin ang nasabing 58 sako ng hinihinalang mineral ores.

Sa Kampo Crame, inihayag ni PNP spokesman PBGen. Randolf Tuaño, ipinag-utos ni PNP chief, General Jose Melencio Nartatez na sibakin sa puwesto ang dalawang pulis habang kumpiskado rin ang kanilang service firearms na may apat na magazines at 60 piraso ng live ammunition.

“They were caught in Misamis Oriental, but the two officers are assigned in Region 11, at the Monkayo Municipal Police Station. So, it’s out of their jurisdiction,” ani Tuaño.

Hinihinalang nagsisilbi silang proteksyon sa pagbibiyahe ng nasamsam na mineral ores, ayon sa tagapagsalita.

(JESSE RUIZ)

51

Related posts

Leave a Comment