WALANG indikasyon na huhupa na ang hidwaan ng kampo nina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Alan Jay Velasco sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Buhay party-list Rep. Lito Atienza, nababawasan na ang puwersa ni Cayetano dahil sa patuloy nitong pagtalikod sa term-sharing agreement nila ni Velasco.
“House Speaker Alan Peter Cayetano is losing his grip and influence over the 304-member legislative chamber for continuing to defy the term-sharing agreement brokered by President Rodrigo Duterte,” ani Atienza.
Ayon sa mambabatas, may sapat na puwersa na si Velasco na kinabibilangan ng 54 party-list congressmen na nadismaya aniya sa pagtanggal kay 1PACMAN party-list Rep. Mikee Romero bilang
Deputy Speaker at kung isasama aniya ang 65 na miyembro ng PDP-Laban at 35 na kasapi ng Nationalist People’s Coalition (NPC) ay 154 na ang boboto sa kanya para maging Speaker.
Sapat na puwersa na aniya ito para makuha ni Velasco ang Speakership dahil 153 lang ang kailangan para mailuklok ito sa ikaapat na pinakamataas na puwesto sa gobyerno.
Kahapon ay naglabas naman ng statement ang Party-list Coalition Foundation Inc., kung saan nagpahayag ang mga ito ng pagkadismaya sa pagsibak kay Romero na kanilang pangulo sa nasabing organisasyon.
“That post was not for the person but for the entire Party-list bloc. Abot-langit ang pagkadismaya namin sa hindi makatwirang pagkakatanggal sa aming kasamahang si Rep. Michael Romero bilang Deputy Speaker.
Paano siya napatalsik gayong wala namang botohang naganap? Anong klaseng procedure yun?,” ayon sa statement ng PLCFI.
Dahil dito, umapela ang nasabing grupo sa lahat ng kanilang miyembro na pumasok at magtrabaho nang personal sa plenaryo sa mga susunod na araw ng sesyon at huwag hayaan anila na maging “spectator” lamang sila sa Kamara.
KINONTRA
Subalit, ayon sa kampo ni Cayetano sa pamamagitan ni Deputy Speaker Dan Fernandez, ‘double talk’ at ‘disinformation” ang pinalalabas ng kampo ni Velasco na mayroon na silang sapat na numero.
Ayon sa mambabatas, hindi lahat ng 54 miyembro ng PCFI ay inaprubahan ang inilabas na statement dahil ang kanilang mga miyembro tulad ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor at
Deputy Speaker Rodante Marcoleta ay nasa kampo ni Cayetano.
“Even Rep. Francisco Datol, who died last month, is included in the total number being quoted by Leachon and Atienza. “Konting respeto lang naman sana. Huwag na nila isama ang mga namatay na sa bilang nila,” ani Fernandez.
Kasinungalingan din umano ang pinalalabas ni Atienza na buong puwersa ng PDP-Laban dahil kahit ang mga miyembro ng partido na sina Deputy Speakers Aurelio Gonzales at Johnny Pimentel ay pumirna sa manifesto pabor kay Cayetano.
Hindi rin pinalagpas ni Fernandez ang bukambibig ni Atienza na “palabra de honor”at kailangang pakinggan si Pangulong Rodrigo Duterte gayung inaakusahan nito na tuta ng Malacañang ang Kamara nang ibasura ang prangkisa ng ABS-CBN. (BERNARD TAGUINOD)
117
