SA ikalawang sunod na pagkakataon, binigo ng Miami Heat ang Los Angeles Lakers na masungkit ang korona ng 2020 NBA.
Nagaping muli ng Pilipino-Amerikanong coach na si Erik Spoesltra at ng kanyang “pilay” na team ang Lakers, 111-108, sa ika-5 laro ng kanilang seven-game series noong Sabado (Linggo sa Maynila) para palawigin pa ang serye.
Kung nagwagi sana sina LeBron James at Anthony Davis at mga kasama noong Linggo, sana’y napagkalooban na nila ang Lakers ng ika-17 kampeonato, kasindami ng napanalunan ng matagal na nitong karibal na Boston Celtics.
Isa na lamang panalo ang hinihintay ng Lakers, na may 16 nang kampeonato, ang pinakahuli ay 10 taon na ang nakararaan sa panahon pa nina Kobe Bryant at Shaquille O’Neal.
Lamang na ang Lakers, 2-0, bago nakaiskor ng isang panalo ang Heat, 115-104, sa Game 3. Nakabawi ang Lakers, 102-96 sa Game 4.
Ang Celtics, unang nakoronahan noong 1957, ay naghari ng walong sunod noong 1959, 1960, 1961, 1962, 1963, 1964, 1965 at 1966 bago isinuko ang bandera noong 1967.
Nakabalik sila noong 1968, 1969, 1974, 1976, 1981, 1984, 1986 at 2008.
Ang Lakers, sa kabilang banda, ay nagkampeon noong 2009-10, 2008-09, 2001-02, 2000-01, 1999-00, 1987-88, 1986-87, 1984-85, 1981-82, 1979-80, 1971-72, nang dala na nila ang bandila ng Los Angeles.
Nauna nilang napagwagihan ang kampeonato noong 1953-54, 1952-53, 1951-52, 1949-50, 1948-49 nang kilala pa sila bilang Minneapolis Lakers.
Bukod sa kampeonato ng bubble edition na magmamana ng Larry O’Brien Trophy, malalaman din kung sino ang tatanghaling Finals MVP na pagkakalooban ng tropeong ipinangalan kay NBA great Bill Russel, ang itinuturing na pinakamagaling na manlalaro sa balat ng lupa.
Sina James at Davis ang mahigpit na naglalaban ngayon para sa Finals MVP.
Maliban na lamang kung muling susupilin ni Jimmy Butler at ng Heat ang Lakers sa Game 6 na nakatakdang laruin sa Linggo (Lunes sa Maynila) at Game 7.
Kung magkakaganoon ang Heat, si Butler, ang emosyonal at ispirituwal lider ng koponan ni Spoelstra, ang malamang na kumolekta ng Bill Russel Trophy.
Si James ang itinuturing na Finals MVP kahit na ang kanyang rekord sa opensiba ay mas mababa kumpara kay Davis.
Ang tuwinang marubdob na pagnanasa ni James na makuha ang karangalan ang malaking basehan ng mga pumipili kung sino ang gagawaran nito.
Ayon sa maraming sports media, si Bron ay nananatili sa paglalaro para mapanalunan ang lahat ng individual awards sa liga.
Ang ibig sabihin, naglalaro si James, una para sa kanyang sarili at pangalawa lamang ang koponan. Katunayan, paliwanag ng maraming sports analysts, sa kanyang naunang 10 paglalaro sa NBA Finals, tatatlo pa lamang ang naibibigay niyang kampeonato sa mga koponang nadala niya sa finals.
Ang NBA Finals MVP ay naunang iginawad sa 31 mga manlalaro at anim dito ang naipagkaloob sa maalamat na si Michael Jordan, ang taong matagal nang gustong palitan ni James bilang Pinaka-Dakilang Manalalaro sa Lahat ng Panahon o GOAT (Greatest Of All Time).
