Desididong sipain si Cayetano BASBAS NI SARA ‘GINAGAPANG’ NI VELASCO

SA gitna ng kawalan pa ng katiyakan na makukuha na ang trono ng mababang kapulungan ng Kongreso, lumipad sa Davao City si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco para personal na makausap si Presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Sa larawan na kumalat sa media, makikita sina Velasco at Mayor Duterte sa isang mesa na ayon sa kampo ng Marinduque solon ay kuha noong Biyernes ng gabi sa Davao City.

Indikasyon na personal na kinausap ni Velasco si Mayor Duterte upang makuha ang kanyang tulong sa gitna ng agawan nila ni Speaker Alan Peter Cayetano sa speakership sa Kamara.

Kinabukasan (Sabado), isang screenshot ng mensahe diumano mula kay Mayor Duterte ang kumalat sa mga kongresista na nagsasabing “kay Lord tayo”.

Noong first regular session ng 18th Congress, malaki ang ginampanang papel ni Mayor Duterte sa pagpapatalsik kay dating House Speaker Pantaleon Alvarez kung saan ipinalit sa kanya si dating pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.

Kamakailan lang ay naglabas ng statement ang kapatid ni Mayor Sara na si Deputy Speaker Paulo “Polong” Duterte sa mga kapwa niya mambabatas sa Kamara na wala siyang kinakampihan kina Velasco at Cayetano na kapwa niya kaibigan.

 

Bababa si Cayetano?

Sa statement naman ni House Majority leader Martin Romualdez, tiniyak nito na susunod sa gentleman’s agreement si Cayetano pagkatapos maipasa ang ikatlo at huling pagbasa ng national budget.

“I assure my esteemed colleagues that the gentleman’s agreement will be honored after the approval of the national budget for 2021 on third and final reading on Friday, October 16,” ani Cayetano.

Ginawa ni Romualdez ang pahayag matapos kumalat ang impormasyon na magse-sesyon ang grupo ni Velasco upang ideklarang bakante ang speakership position ngayong Lunes, bago ang Special Session sa Martes.

“Let us set aside politics and focus first on the passage of the national budget as requested by the President. I spoke to Executive Secretary Salvador Medialdea a while ago (2 p.m.), he reconfirmed that President Duterte’s call for a special session under Proclamation No. 1027 is for Congress to resume the congressional deliberations on the proposed national budget. We will respect the term-sharing agreement and ensure a smooth transition of leadership in the House of Representatives,” dagdag pa ni Romualdez.

Subalit wala pang isang oras ay binawi ni Romualdez ang kanyang unang statement at inalis ang mga kataga na susunod si Cayetano sa gentleman’s agreement pagkatapos maipasa ang budget sa ikatlong pagbasa sa Oktubre 16.

“Let’s not inject politics and avoid infighting during the special session because it is outside the message of the President under Proclamation No. 1027,” ayon pa kay Romualdez.

Sa press conference ng mga lider ng Kamara kahapon, umapela si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor kay Velasco na isantabi muna ang pulitika upang hindi maapektuhan ang pambansang pondo.

“I’m calling Congressman Lord, kung anomang clout mayroon sila gamitin nila sa budget. Nanawagan ako na magtulungan muna kami (sa budget),” pahayag ni Defensor.

Nagbabala naman si Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte na kapag ipinilit ng kampo ni Velasco ang pagpapalit ng liderato ng Kamara ay sigurado aniyang maaapektuhan ang pambansang pondo.

“Budget muna tayo. Saka na ang pulitika,” ani Villafuerte na sinegundahan naman ng pangulo ng National Unity Party (NUP) na si Dasmarinas Cavite Rep. Elpidio Barzaga.

“Mahiya naman sila,” pahayag naman ni House minority leader Bievenido Abante sa nasabing virtual conference hinggil sa plano umano ng kampo ni Velasco na iluklok na ito bago ituloy ang deliberasyon sa pambansang pondo. (BERNARD TAGUINOD)

117

Related posts

Leave a Comment