PATULOY na nadaragdagan ang bilang ng mga nasasawi sa COVID-19 sa buong mundo na sa huling ulat ay mayroon nang kabuuang 1,118,321 milyon.
Base sa Reuters tally, sa umakyat na sa 39.7 milyon ang tinamaan ng sakit sa buong daigdig.
Lumalabas din sa report na isa sa bawat limang namamatay dahil sa COVID-19 ay galing sa Amerika na itinuturing bilang hardest-hit country na may 224,730 deaths mula sa 8,010,443 cases.
Pangalawa pa rin sa mga bansang may pinakamaraming kaso ng nasabing sakit ang Brazil na sa huling ulat ay nakapagtala na ng 5,169,386 cases at 153,905 deaths; pangatlo ang India na may 7,370,468 cases at 114,000 deaths; pang-apat ang Russia, 1,369,313 cases at 23,723 deaths at panglima ang Argentina, 949,063 cases at 25,342 deaths.
Ika-dalawampu naman ang puwesto ng Pilipinas na may kabuuang kaso na 356,618 at 6,652 deaths.
Nasa 210 na mga bansa na ang apektado ng virus na nagsimula sa China noong nakaraang taon.
Kaugnay nito, ang Pilipinas ay nakapagtala ng 2,379 bagong kaso ng COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa huling ulat ay maroon nang kabuuang 356,618 bilang ng tinamaan ng coronavirus sa Pilipinas. Gayunman, may mga hindi pa nabilang na kaso dahil 14 pang laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng report sa COVID-19 Data Repository System hanggang nitong Linggo ng gabi.
Lumalabas na sa Quezon City galing ang pinakamaraming porsyento ng mga bagong kaso na aabot 172. Sumunod ang Rizal (147), Bulacan (136), Caloocan City (117) at Cavite (101).
Nasa 39,808 pa ang active o mga nagpapagaling sa sakit.
Aabot na sa 310,158 ang total recoveries nitong Linggo matapos madagdagan ng 14,941 habang ang total deaths ay nasa 6,652 dahil sa nadagdag na 50.
(Dobleng positivity rate)
Sa Navotas City, inanunsyo ni Mayor Toby Tiangco sa Facebook na iniulat ng Navotas City Health Office na muling tumaas ang positivity rate o bilang ng nagpopositibo sa COVID-19 sa lungsod.
Ayon sa paskil ni Tiangco, nadoble ang naitalang 3% noong nakaraang linggo kaya nasa 6% na naman ngayon ang COVID positivity rate sa siyudad.
Labinlima ang naitalang bagong kumpirmadong kaso ng covid sa lungsod nitong Oktubre 18 habang tatlo lamang ang gumaling.
Bago ito, sa inilabas na pahayag ng Public Information Office (PIO) ng Navotas nitong Oktubre 17, sinabi umano ng OCTA Research Group na nakuha ng Navotas ang ikalawang pinakamababang pang-araw-araw na antas ng pag-atake (daily attack rate) ng COVID-19 sa mga lokal na pamahalaan sa Kalakhang Maynila.
Ayon sa pahayag, ang attack rate ng Navotas ay 4.9% kada 1,000 populasyon at nakuha ang resultang ito ng OCTA sa pamamagitan ng pagkukumpara sa mga datos na nakalap mula Setyembre 20 hanggang Oktubre 3 at Setyembre 27 hanggang Oktubre 10.
“A higher attack rate means more people are getting infected by the virus,” nakasaad sa pahayag.
Kamakailan ay nanindigan si Tiangco na tuloy ang 24-hour curfew para sa mga menor-de-edad sa lungsod sa kabila ng pasya ng Inter-Agency. (DAVE MEDINA/ALAIN AJERO)
169 