HINIMOK ng mga senador ang Department of Agriculture partikular ang Bureau of Plant Industry na huwag magpalabas ng import permits para sa bigas at mais bago at sa mismong panahon ng anihan sa bansa bilang tulong sa mga lokal na magsasaka.
“Talagang common sense naman ‘yun eh na kapag magha-harvest, huwag magbibigay ng import permit kasi pwede namang maghintay din ang mga farmers kaya lang ang problema natin wala naman tayong enough warehouse for them to wait for better prices,” saad ni Senador Cynthia Villar sa pagdinig hinggil sa proposed 2021 budget ng DA.
“We have to build warehouse just to take care of our small farmers but sana huwag na lang magbigay ng permit. Maggawa ng schedule na pag tatama ang pagdating ng importation sa harvest time eh huwag nang ibigay ‘yun para wala tayong problema, ‘yung plummeting palay prices,” diin pa nito.
Bilang tugon, nagsulong ng manifestation si Senador Imee Marcos na gawing scheduled at staggered ang importasyon ng bigas at mais depende sa pangangailangan ng bansa.
“The BPI is enjoined not to import during or immediately before during harvest season, particularly the main harvest season in September and October,” diin ni Marcos na sinang-ayunan nina Villar, Senador Ralph Recto, Kiko Pangilinan at Risa Hontiveros.
Hiniling din ni Marcos sa Bureau of Animal Industry na maging vigilant sa mga smuggled poultry, partikular ng whole chicken meats.
“Ang bigyan nila ng import permit ‘yung processor, hindi ‘yung traders. Kasi pag trader ang kumuha ng permit eh mag-iimport ng deboned at i-smuggle ‘yung whole chicken,” sagot naman ni Villar.
Pinabubusisi rin ni Marcos sa ahensya ang napaulat na sobra-sobrang importasyon at smuggling ng isda sa Navotas at iba pang fishports. (DANG SAMSON-GARCIA)
546 