DALAWANG buwan na lamang ang nalalabi bago mapaso ang Bayanihan to Recover As One o Bayanihan 2 subalit wala pa umano sa P6 bilyon mula sa P165 bilyong pondong inilaan dito ang nailalabas para sa mga programa.
Ito ang natuklasan sa mga pagdinig sa Senado kaugnay sa panukalang 2021 National Budget.
Dahil dito, ilang senador ang nagpahayag ng panghihinayang sa kanilang pinagpaguran at minadaling maipasang batas.
“It’s unfortunate, we spent many hours and days crafting Bayanihan 2 which was certified as urgent to assist many sectors of society much affected by the pandemic only to be informed they are not ready to implement the same. Surely not only will it delay the assistance needed by families and businesses but will also delay economic recovery,” saad ni Senador Ralph Recto.
Kaparehong sentimyento rin ang inilabas ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kasabay ng paalala na hanggang December 31 na lamang ang effectivity ng batas.
Kabilang sa hindi pa nailalabas na alokasyon ang P10 bilyon para sana sa pang-ayuda sa maliliit na negosyo sa tourism industry na apektado ng pandemya.
Kabilang dito ang P6 bilyong assistance sa Micro Small and Medium Enterprises, P3 bilyon sa mga displaced workers, P1 bilyon sa tourism infrastructure at P100 milyon sa mga tour guide. (DANG SAMSON-GARCIA)
208 