INIINSULTO NG MGA TIWALI SA BUREAU OF IMMIGRATION SI DIGONG

MISTULANG iniinsulto ng mga tiwaling tauhan ng Bureau of Immigration (BI) si Pangulong Rodrigo Duterte dahil kahit nangangalit na ang bagang ng Punong Ehekutibo para idiin ang kanyang galit sa mga corrupt ay parang wala itong epekto sa kanila.

Sa panahon ni Duterte nangyari ang pastillas scam sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na kinasasangkutan ng mga tiwaling opisyales ng BI.

Pag-upong pag-upo pa lamang ng pangulo noong 2016 ay nagbabala na ito sa mga corrupt.

Hindi natakot sina dating Commissioner Al Argosino at Michael Robles na humingi raw ng P50 million kapalit ng pagpapalaya ng mga Chinese nationals na nahuli sa mga pasugalan sa Pampanga kaya ngayon PDL as in Persons Deprived with Liberty na sila dahil sa kasong plunder.

Pero hindi pa rin nagkaroon ng leksyon ang tiwaling BI officials and employees sa karanasan nina Argosino at Robles at mas malaking katiwalian ang kanilang ginawa…eto yung tinatawag nilang pastillas scam na kinokolektahan ng lagay ang mga Chinese nationals na magtatrabaho sa mga POGOhan sa bansa.

Tuwing nagsasalita ang Pangulo ukol sa katiwalian, nangangalit ang kanyang bagang, nanggigigil para balaan ang corrupt officials sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Pero hindi umepekto sa mga tiwali sa BI ang babala ng Pangulo kaya kahit yung guardiya na isinasangkot sa Pastillas operations ay mayaman na dahil kahit P10,000 lang ang sahod kada buwan may networth siya na P14 Million.

Hindi natin siya minamaliit pero bukod sa kanyang yaman ay maya’t maya rin itong nag-aabroad sa iba’t ibang bansa tulad ng Europa.

Magkano ang gastos dyan? Saan kinuha ang pera.

Ipagpalagay na lang natin na mayroon siyang namana pero bakit noong kasagsagan ng pastillas scam tumaas ang kanyang assets at yung isang empleyado naman na mahigit P222,000 lang ang kanyang idineklarang assets noong 2015 ay biglang tumaas sa P1.4 million ang kanyang yaman at tumaas pa ng P5 Million noong 2018.

Yung isang empleyado naman ng P33,000 ang sahod, napakamaraming condo at umaabot sa P27 million ang kanyang assets.

Mantakin mo yun! Mayroon ba talagang minahan dyan sa BI?

Kung may takot talaga ang mga taong ito kay Duterte, hindi sila gagawa ng katiwalian pero malinaw na malinaw, wala silang pakialam sa Pangulo. Inuututan lang nila ang banta ng Chief Executive.

Iniinsulto nila ang Mahal na Pangulo.

Mantakin mo pati guwardiya walang pakiaalam sa Pangulo, Imbes na magbantay ay kasabuwat siya sa katiwalian ay nagkakamal ng salapi.

Kapag natututo pa yan ng husto lalong yayaman yan sa kataranduhan.

Parang yung dating kuwento sa Bureau of Custom (BOC) ukol sa dating guwardiya na ginawang runner ng mga smugglers para ilusot ang kanilang kargamento. Nang matuto, naging broker at naging dambuhala.

Kinatatakutan daw ito noon sa BOC dahil sa lawak ng kanyang impluwensya at ngayon ay isa sa pinakamayaman sa kanilang probinsya at pinasok na rin ang pulitika.

Pero ang ikinababahala ko dito sa mga tiwali sa BI, ay yung inilalagay nila sa alanganin ang seguridad ng Pilipinas dahil sa kanilang pagiging gahaman sa salapi lalo na’t ang kanilang pinapalusot ay mga Chinese nationals na ang bansa nila ay sinasakop ang ating teritoryo sa West Philippine Sea.

104

Related posts

Leave a Comment