NATIMBOG sa Biñan, Laguna ng mga tauhan ng Manila Police District-Sampaloc Police Station 4, ang 39-anyos na suspek sa bigong pagpatay sa Maynila.
Sa pamamagitan ng police asset, natunton ng mga awtoridad ang suspek na kinilalang si Ramiro Pedralvez y De Vera, binata, residente sa #577 Geronimo St., Sampaloc, Manila, number 4 most wanted person sa MPD.
Batay sa ulat ni P/Major Gilbert Cruz, hepe ng District Special Operation Unit (MPD-DSOU), kasama ang ilang tauhan ng Sampaloc Police Station 4, nadakip dakong alas-6:45 ng gabi noong Biyernes ang suspek sa Blk. 21, Lot 20, Phase I, Southville 5A, Barangay Langkiwa, Biñan, Laguna, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Thelma Bunyi-Medina, Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 32 sa Manila, dahil sa kasong frustrated murder.
Si Pedralvez ay nagtago umano sa Biñan matapos nitong bigong mapatay ang kanyang kagalit sa Sampaloc, Manila. (RENE CRISOSTOMO)
192 