BAGSAK sa kulungan ang dalawang binata makaraang makumpiskahan ng mahigit sa P.1 milyong halaga ng marijuana sa ikinasang
anti-illegal drug monitoring and surveillance operations ng pulisya sa Navotas City noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni Navotas Police chief, Col. Rolando Balasabas ang arestadong mga suspek na sina Kazuya Okamoto, 20, ng B. Cruz St., Brgy. Tangos North, at Yusefh Alcaraz, 19, ng S. Roldan St., Brgy. Tangos South.
Ayon kay Col. Balasabas, nagsasagawa ng anti-illegal drug monitoring and surveillance operations ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna ni P/Lt. Genere Sanchez, sa B. Cruz St., Brgy. Tangos North nang mapansin nila ang mga suspek na kahina-hinala ang kilos habang may bitbit na isang pulang eco bag.
Nang sitahin, nadiskubre ng mga operatiba ang laman ng dalang eco bag ng mga suspek ay humigit kumulang sa 915 gramo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na tinatayang P109, 800 ang halaga.
Inaresto nina P/SSgt. Joey Ang III at P/SSgt. Ryan Ballesteros ang mga suspek na kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (FRANCIS SORIANO)
168 