ARESTADO sa mga tauhan ng Kamuning Police Station 10 ng Quezon City Police District (QCPD) ang tatlong umano’y tulak sa magkahiwalay na buy-bust operations ng mga awtoridad sa dalawang barangay ng nasabing siyudad noong Miyerkoles.
Kinilala ni QCPD Director, Police Brigadier General Ronnie S. Montejo ang mga suspek na sina Arjay Padua, 34-anyos, Alfred Abella, 50-anyos, pawang mula sa Brgy. Botocan, naaresto ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng PS-10 sa ilalim ng pamumuno ni P/Lt. Col. Bernouli Abalos, at Nono Cabagan, 31-anyos, ng Guadalupe, Makati City.
Base sa report, isang regular confidential informant ang nag-report sa PS-10 kaugnay ng illegal drug peddling activities nina Padua at Abella partikular sa pagbebenta ng shabu sa area ng V. Luna Road.
Bunsod nito, ikinasa ang buy-bust operation dakong alas-3:30 ng hapon noong Nobyembre 4 sa V. Luna Road corner Anonas Ext., Brgy. Botocan na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang suspek at nakumpiskahan ng
50 gramo ng shabu na tinatayang P340,000 ang halaga.
Samantala, nadakip din sa buy-bust operation ng PS10, ang suspek na si Nono Cabagan, 31-anyos, residente ng Guadalupe, Makati City, dakong alas-6:00 ng hapon noong Nobyembre 4 sa Tomas Morato Ave. corner Marathon, Brgy. Obrero at nakumpiskahan ng limang gramo ng shabu na P34,000 ang halaga. (JOEL O. AMONGO)
157 