NAGLALABASAN na ang mga pangalan ng mga politikong tatakbo sa pagkapangulo sa halalang 2022.
Nariyan sina Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio, Senador Christopher Lawrence Go at Senador Emmanuel Pacquiao, Bise – Presidente Maria Leonor Robredo at dating Senador Ferdinand Marcos, Jr.
Ang pinakabago ay si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Ang totoo, kamakailan ay nagpahiwatig na si Moreno na iiwan na niya ang Maynila.
Sabi pa nga niya, tiwala siyang ipagpapatuloy ni Bise – Alkalde Honey Lacuna – Pangan ang kanyang mga nasimulan sa Maynila.
Walang masama kung hindi na tatakbo sa ikalawang termino si Moreno.
Karapatan niya ‘yan.
Karapatan niyang isulong at kamtin sa eleksyong 2022 ang pangarap niyang maging pangulo ng bansa kung nagmamadali siyang makamit na ang kanyang pangarap.
Kung kumbinsido na si Moreno na malaki ang laban niyang manalong pangulo laban kina Carpio, Go, Pacquiao, Robredo at Marcos, lumaban siya.
Si Moreno ay totoong sikat ngayon dahil mula sa unang araw niya ay lumalabas sa mainstream at social media ang kanyang mga ginagawa sa Maynila.
Hindi sikat si Moreno dati, kaya natalo siya nang tumakbong senador noong 2016.
Ngayon sikat na si Moreno.
Nadagdagan na ang mga nakakilala sa kanya sa labas ng Maynila.
Hindi ko lang alam kung hanggang saang mga lugar ito.
Marahil kilala na rin siya ng mga biktima ng super bagyong “Rolly” sa Bicol dahil nagparating ng ayuda ang administrasyong Moreno – Pangan sa kanila.
Pero, hindi lang ang tambalang Moreno at Pangan ang nagbigay tulong sa Bicol kundi maraming politiko.
Kasama si Sara Duterte – Carpio.
Kung bibilangin ang buwan, malayo pa ang eleksyon.
Pero, siyempre alam na alam ng mga politiko ang benepisyong handog ng pagiging “maagap” sa pangangampanya, bukod sa pagiging “masipag”.
Kaya, huwag tayong magtaka sa kahulugan ng mga ginagawa ng mga politiko ilang buwan bago maganap ang mismong kampanya.
Kahit sikat ngayon si Isko Moreno ay hindi garantiya itong mananalo siya sa eleksyon sa pagkapangulo, o pagkapangalawang pangulo.
Marami nang sikat na natalo sa pagkapangulo.
Nariyan sina Fernando Poe Jr. o FPJ, Manny Villar, Mary Grace Poe, Mar Roxas at Jejomar Binay.
Alam naman natin kung paano sila tinalo ng kani-kanilang mga katunggali.
Ilan sa mga personalidad diyan ay daig pa sa kasikatan si Moreno, ngunit natalo sa eleksyon.
Si Isko Moreno pa kaya na hindi kasing popular ni FPJ, o kahit ni Binay.
Mayroong nagsasabi sa kampo ni Moreno na si Isko Moreno ay “man to beat” sa halalang 2022.
Pokaragat na ‘yan!
Hindi totoong man to beat si Moreno.
Maling-mali na si Moreno ang pinakamatinding kalaban ng mga tatakbo sa pagkapangulo.
Hindi naman nangunguna, o pumapangalawa, si Moreno sa mga sarbey sa mga politikong posibleng tumakbong pangulo.
Sina Sara at Grace ang madalas lumabas na mga pangalan.
Si Grace Poe ay hindi tatakbo.
Mayroong nagsusulong sa kampo ng administrasyon na tumakbo si Sara kapalit ng kanyang ama.
Ngunit, mayroon ding nagtutulak na tumakbong bise – presidente ni BBM si Sara dahil matunog at malakas ang puwersa ni BBM sa Rehiyong Ilocos at Samar – Leyte.
Wala pa akong nababalitaang samahan na nagsusulong kay Isko Moreno na tumakbong pangulo sa 2022.
Wala rin akong nahahagip na impormasyon na mayroong politikong gusto siyang kuning bise – presidente.
Sa madaling salita, hindi pinagkakaguluhan ng mga politiko si Moreno.
Kaya, hindi man to beat si Isko Moreno.
At lalong malaking kalokohan kung sabihing takot siyang birahin, o punahin, ng kanyang posibleng mga makakalaban sa 2022.
Ano ang dahilan upang birahin si Moreno?
Si Senador Go nga na halos araw-araw ay mayroong inilalabas na press statement sa kung anu-anong isyu at suliranin ng bansa ay hindi binibira si BBM, si Moreno pa kaya.
Si Robredo nga na posibleng pambato ng Liberal Party (LP) ay bihirang upakan ni Go, si Moreno pa kaya.
Walang bumibira kay Moreno na makakalaban niya sa 2022.
Kaya, lubos akong naniniwala na malaking panlilinlang sa publiko na sabihing man to beat si Moreno.
Igalang naman ninyo ang publiko sa paglalabas ng mga pahayag.
Ibig sabihin, huwag kayong maglalabas at magpapakalat ng mga kasinungalingan maipagtanggol lang si Isko Moreno dahil baka ito pa ang maging mitsa upang maglabasan ang kanyang nakaraan sa politika.
148 