TULONG MUNA BAGO SISIHAN

MEDYO nakakairata ang ilan sa mga influencer kuno na may ganang manisi sa gitna ng unos na pinagdaanan ng mga kababayan natin sa bagyong ­Ulysses imbes na tumulong muna.

May mga panahon ang paninisisi pero huwag sana isabay habang ang marami nating kababayan sa Marikina, Pasig at Rizal ay nasa bubungan ng kanilang bahay na nilalamig, nagugutom at takot na takot sa kanilang buhay.

Mas matutuwa ako kung ang mga influencer kuno na ito ay magluto sana ng makakain ng mga evacuees mula sa sarili nilang  pera imbes na gamitin ang social media para sisihin ang mga kinauukulan.

Kaso may ilan ang ­naninisisi na kesyo hindi naabisuhan ang mga tao kaya marami ang na-trap sa kanilang bahay at kung ano-ano pang paninisisi pero hindi naman kumikilos para ­tulungan ang mga naghihirap na mga tao.

Sasabihin nila,… “trabaho yan ng gobyerno” pero sa ganitong panahon ng kalamidad, kailangang magtulungan lahat at isantabi muna ang pulitika.

Kalimutan mo muna kung anong kulay ka sa pulitika.

Ok lang sa akin na ­hanapin ang Pangulo sa gitna ng unos. Kahit ako, hinahanap ko ang Pangulo.

Kailangan lang kasi ng mga tao na makita na may namumuno sa kanila sa panahon ng unos.

Hindi naman kailangang pumunta ang Pangulo sa lugar kung saan maraming tao ang naghihirap.

Kailangan lang may magmando at ­sisiguro sa atin na nandyan ang gobyerno at ginagawa ang lahat. Kailangan lang natin ang pampakalma.

Pero habang hinahanap ang Pangulo, hindi dapat magsisihan.

Dapat ­magtulungan at tumulong ka sa abot ng inyong makakaya.

Hindi kayang mag-isa ng ­gobyerno….ang lakas ng gobyerno ay mga tao.

Kapag matiyak na ligtas na ang lahat saka natin ­singilin ang mga taong  ­gobyerno nagpabaya sa kanilang tungkulin.

Saka natin sila panagutin kapag wala ng unos upang hindi na maulit ang trahedyang sinapit ng mga biktima ng bagyo.

Walang mangyayari sa sisihan habang nagdudusa ang mga kababayan natin.

Hindi sila maliligtas sa sakuna kung maninisi ka lang pero wala ka namang ginagawa para sila ay sagipin at pakainin kapag nailigtas na sila ng mga nagmamalasakit na ibang tao.

Ang tanong ko tuloy sa mga influencer na naninisisi sa gitna ng unos ay “paano ka  ba nakakatulong. Tumutulong ka ba? Baka hindi dapat may oras ka sa paninisi.

Ibig lang sabihin wala kang ginagawa.

Baka kahit dasal wala kang naiambag dahil puro galit lang ang nasa puso mo.

Galit ka sa DDS pero parang troll ka rin kapag puro galit lang ang nasa puso mo habang marami ang naghihirap.

Hindi ko rin gusto ang nababasa ko sa social media na kesyo hindi ito mangyayari kung hindi naisara ng ­gobyerno ang isang broadcast station.

See, ginagamit ang unos para sa kanilang pansariling interes imbes na tahimik na tumulong na lang.

Kung hindi naisara ang broadcast station na yun hindi ba darating si Ulysses para maghasik ng lagim sa mga kababayan natin?

Mahigit 75 Million Filipino ang aktibo sa social media, mahigit 100 million ang may cellphone kaya palagay ko hindi sila magkukulang na impormasyon na kailangan nila.

Noong panahon ng Ondoy, nandyan pa ang broadcast network na ‘yan. Napigilan ba nila ang mga baha? Nailigtas ba nila ang mga ari-arian ng mga biktima.

Kahit talent nila nabiktima din ng Ondoy eh.

Kaya huwag na munang kulayan ang paghihinagpis ng mga kababayan natin.

Tulungan na lang. Nandyan man ang network na ‘yan o wala magkakaroon at magkakaroon ng sakuna dahil pinabayaan natin ng husto ang ating kalikasan.

195

Related posts

Leave a Comment