ISANG itinuturong pinuno ng communist New People’s Army ang napatay nang makasagupa ang tropa ng mga sundalo sa Zamboanga del Norte, ayon kay Western Mindanao Command chief, Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr.
Sa natanggap na ulat ni Lt. Gen. Vinluan, kinilala ang napatay na rebel leader na si Leonardo Nabong, alyas Otik/Berto/Bonie, dating secretary at kasalukuyang 1st Deputy Secretary ng NPA Western Mindanao Regional Party Committee.
Ayon sa kay 102nd Infantry Brigade Commander Brig. Gen. Leonel Nicolas, si Nabong ay naging Executive Committee member ng Komisyon Mindanao (KOMMID).
Nabatid na ang napaslang ay may nakabinbing warrants of arrests para sa mga kasong multiple murder at quadruple frustrated murder and damage to government property, at rebellion charges na inisyu ng Regional Trial Court, 10th Judicial Region Branch 36 sa Calamba, Misamis Occidental na may reward ng P6.15 milyon para sa ikadarakip nito.
Nabatid na positibong kinilala ang bangkay ni Nabong ng isang dating NPA na sumuko sa pamahalaan.
Ayon kay Lt. Gen. Vinluan, habang nagsasagawa ng combat patrol operation ang kanyang mga tauhan mula sa 44th Infantry Battalion Philippine Army, nang makasagupa nila ang isang grupo ng mga rebelde sa ilalim ng Guerilla Front Flex A ng Western Mindanao Regional Party Committee, sa Purok 2, Barangay ZNAC, Tampilisan, Zamboanga del Norte noong Biyernes ng hapon.
Tumagal ng halos isang oras ang bakbakan bago nagpasyang umatras ang mga rebeldeng NPA. (JESSE KABEL)
172 