CALOOCAN KULELAT SA PAGPAPABABA NG COVID CASES SA CAMANAVA

NANANATILING halos 200 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Caloocan City, habang 37 na lamang ang active cases ng pandemya sa Navotas City, 44 sa Malabon City at 74 naman sa Valenzuela City.

Ayon sa mismong ulat ng pamahalaang lungsod ng Caloocan na may petsang Nobyembre 12, nabatid na 11,992 ang confirmed cases ng pandemya sa lungsod, 11,463 ang gumaling at 330 na ang namatay.

Kung ibabawas mula sa bilang ng kumpirmadong kaso ang mga gumaling at namatay, lilitaw na 199 ang nanatiling aktibong kaso, at lumabas na tumpak ang pigura matapos isa-isahin ang active cases sa bawat isa sa 188 barangay ng lungsod.

Sa kabilang dako, ayon sa Malabon City Health Department, dalawang pasyente ang binawian ng buhay sa lungsod: tig-isa mula sa Barangays Maysilo at Santulan at pumalo na sa 216 COVID death toll ng lungsod nitong Nobyembre 15.

Apat naman ang nadagdag na confirmed cases sa nasabing petsa at sa kabuuan ay 5,695 ang positive cases, 44 dito ang active cases.

Dalawang pasyente naman ang nadagdag sa mga gumaling. Sila ay mula sa Barangay Tinajeros (1) at Tugatog (1). Sa kabuuan ay 5,435 ang recovered patients ng Malabon.

Sa lungsod naman ng Navotas ay walang naitalang dagdag na kaso ng COVID-19 at apat ang gumaling noong Nobyembre 15.

Umabot na ng 5,194 ang tinamaan ng COVID sa Navotas.  Sa bilang na ito ay 5,003 ang gumaling, 154 ang namatay at 37 na lamang o 0.7 % ang active cases.

Noon namang Nobyembre 14 ay iniulat ng City Health Office ng Valenzuela City na 7,991 na ang nagpositibo sa COVID-19 sa lungsod, 7,669 na ang gumaling, 248 ang namatay at 74 na lamang ang active cases sa siyudad. (ALAIN AJERO)

118

Related posts

Leave a Comment