VENDORS WINALIS SA BACLARAN

WINALIS ng magkasanib na task force ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at local government ng Pasay City ang illegal vendors sa bahagi ng Taft Avenue malapit sa Baclaran District nitong Sabado ng umaga upang bigyang daan ang night market na magsisimula sa Nobyembre 27, 2020.

Mismong si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang personal na sumubaybay sa clearing operation para sa ikinakasang night market na magiging kauna-unahan sa uri nito na pinayagan ng MMDA sa panahon ng general community quarantine.

“Ang night market na magsisimula sa Nov. 27 ay mahigpit na magpatutupad ng health protocols kasama na ang social distancing, body temperature check, hand sanitization at takdang entry at exit points,” sabi ni Mayor EMI.

Tiniyak naman ni Mayor Emi na ang mga pinaalis na vendor ay papayagan pa ring makapagtinda mula alas-5:00 na hapon hanggang alas dose ng madaling araw sa kahabaan ng service road ng Roxas Boulevard.

Maglalagay sa lugar ng tinatayang hindi bababa sa 130 tent, isang linggo bago ang 157th founding anniversary ng Pasay City. (DAVE MEDINA)

93

Related posts

Leave a Comment