MAHIGIT P400,000 halaga ng umano’y shabu ang nasamsam ng pulisya mula sa isang high value individual (HVI) drug pusher nang masakote sa isinagawang buy-bust operation sa Caloocan City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director, P/BGen. Josefino Ligan, kinilala ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief, P/Lt. Col. Timothy Aniway Jr., ang suspek na si alyas “Dexter”, 25, residente ng lungsod.
Ayon kay Aniway, positibo ang natanggap na impormasyon ng kanyang mga tauhan hinggil sa pagbebenta umano ng suspek ng droga kaya ikinasa nila ang buy-bust operation, sa koordinasyon sa PDEA.
Matapos tanggapin ng suspek ang marked money mula sa isang undercover police na umaktong poseur-buyer, agad itong sinunggaban ng mga operatiba ng DDEU dakong alas-2:40 ng madaling araw sa Pamato Street, Brgy. 28.
Nakumpiska sa suspek ang humigit kumulang 65 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P442,000, at buy-bust money.
Sinampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(MARDE INFANTE)
