Marcos admin kinalampag KRIMEN, KORUPSYON TUGUNAN AGAD

NANGALAMPAG ang Citizens Crime Watch sa administrasyong Marcos Jr. para agad tugunan ang dumaraming krimen at ang korupsyon sa gobyerno.

Pinuna rin ng grupo ang magkaiba anilang pahayag ng dalawang opisyal ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa problema sa kidnapping sa bansa.

“Sana naman pag-aralan nilang maigi ‘yung mga ginagawa nilang sinasabi, sapagkat ngayon pong panahon, ang mga tao mukhang humihina po ang kanilang pagtitiwala at paniniwala sa atin pong mga pulis,” ani Jigs Magpantay, National President, Citizens Crime Watch.

Ayon sa grupo, kailangang magpatupad si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng konkretong hakbang upang maibalik ang tiwala ng publiko sa peace and order situation sa bansa.

“Ito pong nangyayaring kidnapping cases nagbigay po ito, nagdudulot po ito ng takot lalo na po sa ating mga negosyante kaya siguro po ang ating gobyerno maglunsad sila ng decisive action para mahinto po itong nangyayari sa ating bansa ngayon.”

“Dapat siguro i-review nila ‘yung kanilang performance. Hindi siguro na kinakailangan na nakatutok na lang palagi dito sa mga isyu na may kinalaman sa politika,” dagdag ni Magpantay.

Giit ng grupo, tila hindi na pinakikinggan ang sentimyento ng publiko sa tuwing ipinararating nito ang mga problema sa pamahalaan. Imbes na tugunan ang mga reklamo, madalas ay kinukuwestiyon pa ang katotohanan ng mga ito.

Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng krimen, kabilang na ang kidnapping, hinamon ng Citizens Crime Watch ang gobyerno na tugunan ang mga hinaing ng taumbayan. Ayon sa grupo, mahalaga ang konkretong aksiyon upang matugunan ang lumalalang peace and order situation at muling maibalik ang tiwala ng publiko sa mga awtoridad.

Kanila ring binanggit ang mga akusasyon hinggil sa katiwalian sa gobyerno.

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

314

Related posts

Leave a Comment