UPANG hindi mabatikos dahil sa posibleng malabag ang health protocol na ipinatutupad ng gobyerno, idadaan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso sa zoom ang kanilang bicameral conference meeting.
Ito ang napag-alaman kay House appropriation committee chairman Eric Yap sa online interview kaugnay ng Bicam na target umanong matapos hanggang sa Biyernes kung hindi man ay sa susunod na Lunes.
“Ang schedule namin tomorrow na siya mag-start and then target namin matapos sa Friday. Yun yung target namin. Pinakamatagal na po yung Monday next week matatapos,” ani Yap.
Ayon sa mambabatas, masyadong maliit ang isang kuwarto sa hotel na karaniwang pinagdarausan ng bicam para sa 21 congressmen at 11 senador na miyembro ng Bicam.
Ito ang dahilan kaya nagpasya ang mga ito na idaan sa zoom ang kanilang conference bilang pagsunod sa health protocols ng gobyerno lalo na’t nananatiling banta pa rin sa kalusugan ang COVID-19.
“E baka ma-bash tayo tulad nung bashing kay Senator Manny (Pacquiao) at kay Secretary (Harry) Roque… ang liit lang naman po ng kwarto na makuha natin sa hotel so kailangan po talaga naka-hybrid po tayo,” ani Yap.
Ang tinukoy ng mambabatas ay ang dinaluhan ni Pacquiao na pagtitipon sa Batangas at Roque sa Cebu kung saan, ayon sa netizens ay hindi nasunod ang health protocols.
Unang gagawin umano ng House contingent ay tingnan ang bersyon ng Senado sa pambansang budget na nagkakahalaga ng P4.506 Trillion kung ano ang pagkakaiba nito sa bersyon ng Kamara.
Kabilang sa prayoridad umano ng House contingent ay tiyakin ang sapat na pondo na pambili ng bakuna sa COVID-19 at pagbangon sa mga lugar na sinalanta ng magkakasunod na bagyo.
“Yung mga amendments po namin, magko-compare notes kami ng Senate. Titingnan namin bukas ‘yong version nila at kung ano pa po ‘yong mga nag-double, ililipat natin sa mga tinamaan ng calamity tulad ng Marikina,” ani Yap.
Tiniyak ng mambabatas na magiging transparent ang gaganaping bicam at iuulat sa publiko ang bawat sentimong paggagastusan dahil karapatan ng mamamayan na malaman kung saan ginagamit ang kanilang buwis. (BERNARD TAGUINOD)
